
Isa ang Pepito Manaloto star na si Manilyn Reynes sa mga pinaka-sikat na artista noong '80s hanggang '90s. Katunayan, nagkaroon pa siya ng tatlong ka-love team noon; sina Janno Gibbs, Keempee de Leon, at Ogie Alcasid.
Ngunit aling loveteam nga ba ang pinaka-memorable para kay Manilyn Reynes?
“Manilyn-Janno loveteam kasi nagsimula 'yun sa That's [Entertainment] e, sa That's talaga,” sabi ni Manilyn sa Updated with Nelson Canlas podcast.
Ani pa ng aktres, ang host ng variety show na si German Moreno, o mas kilala bilang si Kuya Germs, ang talagang bumuo ng kanilang love team.
Kuwento ng aktres, “Kasi merong event noon na it was for a launch ng isang produkto and then sabi ni Tito Germs, before that day, sabi niya, 'Baka sinong gustong pumunta? Pumunta kaya kayo?' Ganu'n.”
Pagpapatuloy ni Manilyn, sinabihan pa sila noon ni Kuya Germs na kumanta sa event at ayon sa aktres, doon na sa mismong event nagsimula ang kanilang loveteam.
“Talagang 'yung mga tao, sobrang tilian, ganiyan, kilig-kilig. So mula nu'n, lagi na kaming nagdu-duet, so naging love team na talaga kami ni Janno,” sabi niya.
RELATED CONTENT: TINGNAN ANG ILAN SA MGA PINAKABAGONG LOVETEAMS NOONG 2023 SA GALLERY NA ITO:
Kalaunan ay “naghiwalay” din sina Manilyn at Janno bilang love team at kasabay nito, umingay ang kanta niyang "Sayang na Sayang Lang." Binigyang linaw din niya ang mga haka-haka kung sinulat ba ang kanta para kay Janno.
“Actually, hindi. Kasi ibinigay sa akin 'yung song na 'yun, well sabagay wala naman talagang explanation ang Octo [Arts] kung para kanino. Pero 'yung sumulat nu'n is si Mr. Ben Escasa. Nu'ng ibinigay sa'kin 'yun, wala ring pasabi,” sabi niya.
Pag-alala niya, “'Basta't ito 'yung kanta, kantahin mo 'to.' At dahil nga timing na timing din sa pagkakahiwalay ng love team, tumulak ngayon 'yung kanta.”
Pagkatapos ng loveteam nila ni Janno Gibbs ay nakapareha naman niya si Keempee de Leon. Ayon kay Manilyn Reynes, iilan lang ang pelikulang nagawa nila ng aktor dahil mas marami silang nagawang TV series at pagkanta.
Nakapareha rin niya si Ogie Alcasid at mas naging focus ng kanilang love team ang pagkanta.
“Nag-start naman 'yung kay Ogie kasi dahil doon sa pagkakahiwalay ng love team (ni Keempee), tapos nagkaroon ng 'Nandito Ako' na song niya. So pinagtagpi ng mga tao na it was for me, 'yung mga ganu'n,” pag-alala niya.
Sabi pa ni Manilyn, “Although nag-movies din kami, oo, but it was because of 'yung mga kanta namin sa Octo Arts naman nu'n. So nag-duet kami ni Ogie, and then we wrote 'Pangako' together.”
Pakinggan ang buong interview ni Manilyn dito: