
Para kay Sang'gre actress Faith Da Silva unexpected ang pagkakapasok niya sa show business.
Sa interview ng GMANetwork.com para sa Kapuso Profiles, inamin ni Faith na hindi niya pinangarap noon na maging isang artista.
Kuwento niya, malayong-malayo ang personality niya noong bata siya sa kung ano ang pagkakakilala sa kanya ngayon ng manonood--na komedyante at malakas ang loob.
Ayon kay Faith, sobrang mahiyain siya noong bata. Aniya, "Sa totoo lang hindi ko s'ya dream noong bata ako kasi noong time na nag-aaral pa lang kami ng kapatid ko, s'ya ang nag-aartista, s'ya ang talented kasi s'ya ang bibo, ako mahiyain akong bata like hindi ako nagsasalita, hindi ako kumakausap ng kung sinu-sino.”
Pitong taon lamang si Faith nang isali siya noon ng kanyang ina sa morning talk show ng GMA na SiS, kung saan maglalaro-laro lamang siya bilang fairy kasama ng iba pang mga bata. Pero hindi ito kinaya ni Faith at nag-back out nang umiiyak.
Natatawang kuwento niya, "Ang gagawin lang parang fairy-fairy ka lang tapos naka-gown ka, tapos may animals sa paligid mo. Tapos noong nakita ko si Ate Tessbomb na [naka-animal costume]... umiyak ako, hindi ko kinaya.
"Noong time na 'yun sobrang mahiyain ako, wala akong confidence sa sarili ko. Tapos 'yung mga projects katulad ng movie na 'Kamoteng Kahoy,' hindi talaga ako 'yun, si Silas talaga 'yung brother ko ang kasama noon at saka 'yung mama ko, umarte rin siya roon. Pero dahil walang maiiwan sa amin na magbabantay sa bahay, sinama na lang nila ako. Ayan saling ketket ako pero kasama ako sa credits.
"Hanggang sa ganu'n pa rin palagi akong pinipilit ng mama ko na mag-artista. Dahil marami rin talagang mga kakilala namin na mga tao na nagsasabi na 'Cute naman ako. Bakit hindi ako mag-artista?'"
Hindi man pinangarap, pero tila nakatadhana sa aktres na makapasok sa showbiz industry. Sa edad na 12, mas nagkaroon ng confident sa sarili si Faith nang mapili siyang gumawa ng VTR para sa isang food commercial.
Tinanong din siya ng direktor na si Maryo J. de los Reyes kung gusto niyang mag-artista. Naniniwala si Faith na hindi mag-aabalang magtanong sa kanya si Direk Maryo kung wala itong nakikita sa kanya. Matapos ang kanilang pag-uusap, dito na naglakas ng loob si Faith na mag-audition sa StarStruck Season 6 noong 2015.
Matapos ang pagsali sa StarStruck, sunod-sunod na rin ang paglabas ni Faith sa iba't ibang TV shows sa GMA hanggang sa biggest break niya sa GMA Afternoon series na Las Hermanas noong 2021, kung saan mas nakilala siya ng maraming manonood. Dito nakasama niya sa lead cast sina Yasmien Kurdi, Thea Tolentino, at ang batikang aktor na si Albert Martinez.
Sa ngayon, abala si Faith sa paghahanda para sa bigating role niya sa inaabangang Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa continuation ng iconic telefantasya na ito ng GMA, makikilala si Faith bilang Sang'gre Flamarra, ang bagong tagapangalaga ng Brilyante ng Apoy.
Makakasama niya bilang bagong henerasyon ng mga Sang'gre sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, at Angel Guardian.
TINGNAN ANG NAGING CAREER JOURNEY NI FAITH DA SILVA SA GALLERY NA ITO: