
Maayos raw ang relasyon ngayon ni Darren Espanto sa Sparkle actresses na sina Cassy Legaspi at Kyline Alcantara.
Matatandaan na sa panayam ni King of Talk na si Boy Abunda sa Kapamilya singer at host na si Darren Espanto kamakailan sa Fast Talk with Boy Abunda, sinagot ng huli ang ilang mga tanong tungkol sa female celebrities na naugnay sa kanya. Kabilang dito ang bestfriend niyang si Cassy Legaspi at ex-girlfriend na si Kyline Alcantara.
Sa panayam ng GMANetwork.com, nilinaw ng It's Showtime host na maayos ang kanyang relasyon ngayon sa dalawang Kapuso actresses.
“I'm okay with both of them naman po. I'm friends with both of them at saka napanood din naman nila 'yung interview ko sa Fast Talk,” aniya.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, inamin ni Darren ang naging past romantic relationship nila ni Kyline. Ayon sa Filipino-Canadian artist, nagkaroon sila ng “puppy love kind of thing” at nagtagal ang kanilang relasyon ng isa't kalahating taon.
Bukod dito, nilinaw ni Darren na hindi sila magkaaway ng kanyang bestfriend na si Cassy Legaspi. Ipinaliwanag ni Darren na siya mismo ay nabigla sa mga kumalat na balita tungkol sa kanila ni Cassy.
Ito ay matapos niyang linawin sa isang panayam na mag-bestfriend lamang sila ng Kapuso actress-host.
Bukas kaya si Darren na makatrabaho sina Cassy at Kyline sa future projects?
“Yeah, of course," sagot ni Darren sa GMANetwork.com.
"Lalo na ngayong may partnerships naman with ABS and GMA. Wala ng imposible. So ang dami nang pwedeng maging collaborations. And I've already done a movie with Cassy at saka sa music video with Kyline. So malay po natin,” sagot niya sa GMANetwork.com.
Subaybayan si Darren Espanto sa It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, mapapanood si Cassy Legaspi sa talk variety show na Sarap 'Di Ba? tuwing Sabado, 10:30 a.m., sa GMA at Pinoy Hits.
Habang si Kyline ay bibida sa upcoming Philippine adaptation ng Korean drama series na Shining Inheritance.