
Ilan sa mga mang-aawit na gustong maka-collaborate ng singer-songwriter at GMA Music artist na si JC Regino, anak ng OPM icon na si April Boy Regino, ay sina Asia's Limitless Star Julie Anne San Jose at "Paubaya" singer Moira Dela Torre.
"Gusto kong maka-collaborate talaga si Moira kasi parehas kaming love songs ang kinakanta. Iyon kung mapagbibigyan," nahihiyang sabi ni JC sa exclusive interview ng GMANetwork.com.
Bilang isang songwriter, nais din ni JC na makapagsulat ng kanta para sa iba pang mga mang-aawit tulad ni Julie Anne.
"Kagalakan ko rin po na maawit ng ibang tao ang mga naisulat kong awitin," sabi niya.
Dagdag pa ni JC, "Gusto ko po talagang gumawa ng kanta... nakausap ko nga po si Sir Keddy [Sanchez], gagawa ako ng kanta para ibigay ko kay Ms. Julie Anne San Jose."
Samantala, nagbigay rin ng payo si JC para sa mga aspiring singer-songwriters tulad niya.
"Huwag lang kayong tumigil sa passion n'yo. Huwag kayong titigil na gumawa ng kanta, lagi lang kayong mangarap. Kung hindi man sa ngayon mapapansin kayo, malay n'yo balang araw mapansin kayo.
"Kasi kapag nag-give up kayo sa larangan n'yo ibig sabihin nun tapos na, wala na. Pero kung hindi kayo tumitigil, may paroroona't paroroonan. Hindi mawawala 'yung pangarap. Lagi nila isasapuso 'yung ginagawa nila. Lagi nila ibigay [ang] best nila, 200 percent kung kaya."
Sa ngayon, abala si JC sa paghahanda para sa unang heartbreak song under GMA Music, ang "Wala Na."
Bukod sa "Wala Na," nakapaglabas na ng dalawang awitin si JC sa GMA Music tulad ng "Tama Na Sa 'Kin Ikaw" at "Idolo."
Panoorin ang music video ng second single ni JC Regino na "Tama Na Sa 'Kin Ikaw," dito.