
Kailan lang ay umikot sa internet ang tanong kung mas importante ba ang diskarte o ang pagkakaroon ng diploma para maging matagumpay sa buhay. Para kay content creator Christian Antolin, importante pa rin ang may diploma.
Sinagot ni Christian ang viral na tanong sa Updated with Nelson Canlas podcast. Dito, sinabi niya kung bakit mas importante para sa kaniya ang pagkakaroon ng diploma.
“Iba pa rin 'yung may tinapos ka. Kasi 'pag may diploma ka, puwede kang mapunta kahit saan and puwede kang dumiskarte kahit may diploma, kasi may existing kang diploma,” sabi niya.
Sinabi rin ni Christian na minsan, hindi sapat ang madiskarte ka lang, lalo na kung ang trabahong gusto mong pasukin ay nangangailangan ng specific skills. Pagpapatuloy niya, mas marami pa ring options ang mga may diploma kumpara sa mga taong dumidiskarte lang.
Kaya naman, ang payo niya sa mga nagbabalak o nagsisimula pa lang maging content creators, “Mag-aral muna tayo. Siguro gawin lang natin 'yung 'pag gusto mong maging content creator, gawin mo lang siya on the side.”
BALIKAN ANG MGA CELEBRITIES NA NAGTAPOS NG KOLEHIYO SA GALLERY NA ITO:
Kuwento ni Christian, ang unang pinag-aralan niya noon ay related sa architecture. Ngunit dahil naisip niyang meron din siyang passion sa multimedia, pinag-aralan din niya muna ito.
“So ginawa ko siya on the side, habang nagtatrabaho ako, nag-aaral ako, nagwo-working student ako that time,” sabi niya.
“It really pays off, because 'yung hobby ko naging negosyo ko na siya, 'yung passion ko naging negosyo ko na siya,” pagpapatuloy ni Christian.
Nagbigay rin ng maiksing mensahe si Christian sa mga aspiring content creators, “Kung feel ninyo talaga na iyon 'yung magiging tatahakin ninyong landas, go.”
“Basta ang importante nag-e-enjoy ka sa ginagawa mo, authentic ka, unique ka, pinapakita mo yung totoong sarili mo. Iyon 'yung isa sa mga tips na puwede kong ibigay sa inyo, kung iyon talaga yung gusto niyong destinasyon,” sabi ni Christian.
Nagbigay rin ng paalala ang content creator-turned-actor, “'Pag papasok kayo ng pagiging as a content creator, 'wag ninyo ipasok agad sa utak ninyo 'yung pera.”
Dagdag pa niya, hindi naman instant ang pagkita sa pagiging content creator at sa halip, ay marami itong pagdadaanang proseso.
“Dumaan din ako sa proseso ng out of boredom, gawa lang, for fun lang, saya saya lang, enjoy enjoy lang. Hanggang sa mamaya, hala may gusto na magpapromote. May gusto na magpaganiyan. Doon na nagsimula,” sabi niya.
“Doon ko na rin na-realize, after few months sabi ko, ay may pera pala dito,” aniya.
Pakinggan ang buong interview ni Christian dito: