
Ikinagalak ni primetime action hero Ruru Madrid ang bagong parangal na natanggap ng pinagbibidahan niyang full action series na Black Rider.
Hinirang ang programa bilang Most Development-oriented Drama Program sa 18th UP ComBroadSoc Gandingan Awards.
Nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Ruru sa panibagong pagkilalang ito.
"Gusto ko lang pong magpasalamat sa lahat ng bumubo ng Gandingan Awards 2024 para po sa parangal na ito sa Black Rider. Ito po ang magsisibling panibagong lakas para po sa amin upang patuloy na gumawa ng mga eksena para po sa ating mga manonood. Hindi po kami titigil na mag-isip ng mga istorya kung saan makakapagbigay po tayo ng inspirasyon para po sa ating mga manonood," pahayag ng aktor.
Dagdag pa niyang magiging inspirasyon ito sa patuloy nilang pagbuo ng kanilang programa.
"Sobrang sarap po sa puso na mabigyan niyo po ng parangal na ganito. Lahat po ng mga hirap at pagod noong panahon na ginagawa po namin itong programa, lahat po nang 'yun, napawi dahil po dito kaya maraming maraming salamat po sa inyo. God bless po sa lahat ng bumubuo Gandingan Awards. Thank you so much," lahad niya.
Kinikilala sa taunang Gandingan Awards ng UP Community Broadcasters' Society ng University of the Philippines Los Baños ang mga programa sa telebisyon, radyo, at online na nagpo-promote ng pag-unlad ng mga Pilipino.
Kamakailan lang, nakatanggap rin ang Black Rider ng bronze medal mula sa New York Festivals Tv and Film Awards para sa categoryang Entertainment Program: Drama.
Patuloy na tumutok sa mga parating na episodes ng award-winning full action series na Black Rider!
SILIPIN ANG MEDIA CONFERENCE PARA SA BAGONG YUGTO NG BLACK RIDER KUNG SAAN DUMALO SINA RURU MADRID, YASSI PRESSMAN, ANGELI KHANG AT IBA PANG MIYEMBRO NG CAST:
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Kapit lang sa mas suwabe, mas maangas at mas kapanapanabik na bagong yugto ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.