
Para sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera, hindi problema ang paghingi ng sorry sa mga anak niyang sina si Zia at Sixto kapag nagkakamali siya.
Sa Mother's Day episode ng GMA Pinoy TV podcast, sinabi ni Marian na hindi sila takot ng asawa niyang si Dingdong Dantes na humingi ng sorry sa kanilang mga anak dahil naniniwala siyang wala namang perpektong tao.
“Tayo kasing mga magulang, minsan parang feeling natin bababa tayo na, 'Ay hindi, anak lang kita.' 'Pag alam nating mali tayo, kailangan i-accept natin, i-admit natin 'yun. Hindi ibig sabihin talo tayo, ibig sabihin, tinuturuan natin 'yung bata na 'wag matakot,” paliwanag niya.
Ayon pa sa My Guardian Alien actress, sa ganitong paraan, hindi rin matatakot ang kanilang mga anak na magsabi sa kanila kapag may nagawa silang mali. Bilang mga role model, tutularan sila nina Zia at Sixto na 'wag matakot mag-sorry.
Paalala pa ni Marian, kung mataas ang ego ng mga magulang at hindi nila kayang magpakumbaba at mag-sorry kung sila ang nagkamali, magiging ganun din ang kanilang mga anak paglaki.
“So ayaw natin 'yun. Kailangan transparent 'yung relationship. Kailangan hindi sila matakot sa'yo magsabi kung ano ang nasa loob nila,” sabi niya.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA HEARTWARMING MOMENT NI MARIAN KASAMA SINA ZIA AT SIXTO SA GALLERY NA ITO:
Sa ngayon, busy si Marian sa kaniyang bagong teleserye at sa kanyang upcoming Cinemalaya film na Balota. Ngunit kahit ganun, nilinaw ng aktres na ang priority pa rin niya ay ang kanilang mga anak.
Aniya, sinisigurado niya na binibigyan niya ng oras ang kaniyang mga anak, lalo na kapag may special events ang mga ito. Kuwento pa ni Marian, nag-a-adjust din sa schedule niya ang taping ng kanilang serye, isang bagay na ipinagpapasalamat niya.
“Very mabait silang binibigay sa akin itong mga ito. At siguro, alam din nilang priority ko itong mga batang ito,” sabi niya.
Inamin din ni Marian na mahirap balansehin ang kaniyang career at pagiging hands-on mom ngunit sabi niya, “Kung aayusin mo sa time management at alam mo talaga 'yung priority mo sa buhay, parang hindi ka mahihirapan.”
“Mahihirapan ka lang siguro sa katawan dahil nagte-taping ka, pagod ka, gigising ka nang maaga para sa mga anak mo, pero pag iisipin mo 'yung time management na, 'Ano ba talaga ang pinakarurok ng priority ko?' Hindi ka mahihirapan,” aniya.
Pakinggan ang buong interview ni Marian dito: