
Very proud ang Pulang Araw actor na si David Licauco sa kaniyang fan na si Mark Oliveros o mas kilala bilang si “Yes na Yes for you” sa TikTok sa pagpirma nito ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center sa ginanap na Signed for Stardom event nitong Huwebes, May 16.
Isa si Mark sa naging die hard fan ni David nang sumikat ang kaniyang karakter bilang si Ginoong Fidel sa award-winning Kapuso series na Maria Clara at Ibarra.
Si Mark ang isa sa nagpauso online ng bansag kay David na Ginoong Fidelity mula sa kaniyang mga nakatutuwang video kung saan mapapanood ang kaniyang pagka-“adik” sa aktor. Sa katunayan makailang beses niya ring pinuntahan noon ang restaurant ni David upang magbakasakaling makita ang iniidolong aktor.
Ang social media post ni Mark tungkol sa kaniyang pagiging bagong Kapuso, agad inilagay ni David sa kaniyang Instagram story.
“So proud of you. Keep chasing your dreams,” mensahe ni David kay Mark.
Samantala, sa kaniyang speech sa Signed for Stardom event, inamin ni Mark na bata pa lang ay pangarap niya na ang maging isang Kapuso, kaya masayang-masaya siya na natupad na ito.
Aniya, “Ako po, I auditioned talaga. Nag-audition po ako para maging part ng Sparkle kasi simula…parang nag-try lang ako na tuparin 'yung wildest dream ko of becoming an artist. Sapul bata po ako up to being a content creator parang Kapuso shows na 'yung naging sandigan ko para mangarap at magsumikap po talaga. Noong bata pa ako lumunok ako ng bato sa paniniwalang magiging kamukha ko si Marian Rivera at mag-transform ako into Darna.”
Dagdag pa niya, “No'ng naging content creator ako ang pinaka-naaliwan sa akin ng mga tao sa pagta-translate ko ito gay lingo ng mga Kapuso show katulad ng sa Maria Clara [at Ibarra]...si Ginoong Fidel naging si Ginoong Fidelity at nasasabi ko po ito kasi simula bata nangarap po ako na sana dumating 'yung pagkakataon na mapanood ako [sa TV] at 'yung kagustuhan kong 'yun natupad na kaya super nagpapasalamat po ako.
Nagpasalamat din si Mark sa pagtanggap sa kaniya ng GMA, “I'm very very grateful sa circle of friends ko sina Miss Annette [Gozon-Valdes] chariz joke lang. Sa aming mga bosses po, Miss Annette, Miss Joy [Marcelo], Mr. M [Johnny Manahan], sa aking manager Miss Tracy [Garcia], 'yung pangako mo sabi mo manonood tayo ng Miss Universe. Sa aking handler, the Melvin of MNL isa kang talbog walang kaabog-abog.”
“I would like to take this opportunity para pasalamatan po yung mga workshop facilitator kasi napaka-generous ng GMA may pa-libreng workshop pa talaga kami para maging titulado kami sa lahat ng mga aspeto para kapag sinalang kami handa na. Maraming salamat po.”
“To GMA maraming salamat po. I cannot promise anything but I am sure of one thing I will give my 101 percent and best in everything that I do,” ani Mark.
RELATED GALLERY: Crossover: Social media stars who appeared on GMA series