
Nitong July 10, muling nagsama-sama ang pamilya at mga kaibigan ng tinaguriang Comedy King na si Dolphy para sa paggunita ng kanyang 12th death anniversary.
Isang reel ang in-upload ni Boy 2 Quizon sa Instagram, kung saan mapapanood ang ilang naging kaganapan sa katatapos lang na selebrasyon ng pag-alala kay Dolphy.
Makikita sa video na present sa event ang mga aktor na sina Claudine Barretto, Nova Villa, Maybelyn dela Cruz, Smokey Manaloto, at pati na rin ang mga kaanak ng pumanaw na komedyante.
Sa ilang parte ng video, mapapanood na nagbigay ng mensahe si Nova para kay Dolphy.
Pahayag niya, “Bagamat hindi ka namin nakikita at nakakasama ng personal pero kahit kailan hindi ka nawala. Nandito ka sa aming mga puso.”
Bukod dito, nag-alay din ng panalangin ang lahat ng dumalo para sa kanilang minamahal na si Dolphy.
Sulat ni Boy 2 sa caption ng kanyang post, “Remembering Tatay Kevin's 12th death anniversary. We miss you, our Tatay Kevin.”
Ilang larawan naman mula sa event ang ibinahagi ni Claudine sa kanyang Instagram account.
Nakilala noon si Dolphy bilang si Tatay Kevin sa programang Home Along Da Riles.
Dito ay nakasama ng komedyante sina Nova, Claudine, Maybelyn, Boy 2, Vandolph, Gio Alvarez, Smokey Manaloto, at marami pang iba.
Samantala, matatandaan na July 10, 2012 nang pumanaw si Dolphy dahil sa sakit na pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, at acute renal failure. Siya noon ay 83 years old.
Related gallery: IN PHOTOS: Pinoy comedians na pumanaw na