
Bibida si Marian Rivera bilang ang gurong si Emmy sa 2024 Cinemalaya entry na Balota, na co-produced ng GMA Pictures at GMA Entertainment Group with Cinemalaya.
Sa panayam ng GMANetwork.com sa Kapuso Primetime Queen kamakailan, ibinahagi niyang marami siyang pagsubok na pinagdaanan sa paggawa ng naturang pelikula.
“Parang halos lahat ng eksena ko, para sa akin (challenging) dahil parang simula umpisang eksena parang pabigat siya nang pabigat. At the same time, may mga eksena kasing may comedy part pero hindi ibig sabihin no'n comedy siya pero patungo kasi doon sa mas mabigat na eksena. Kapag pinagsama-sama mo siya, parang lahat challenging for me,” kwento niya.
Ayon pa sa aktres, naging madali para sa kanya na mabuo ang kanyang role sa Balota dahil sa tulong ng direktor ng pelikula na si Kip Oebanda.
Aniya, “Masasabi ko siguro na naging madali para sa akin na hubugin 'yung character ni Teacher Emmy siguro dahil napakagaan kausap ni Direk. Kumbaga hinuhulma niya sa akin kung sino si Teacher Emmy. So hindi ako naging mahirap na parang pasukin 'yung character na 'yon.”
Kwento pa ni Marian, nabuo ang kanilang pagkakaibigan ni Direk Kip sa loob lamang ng maikling panahon.
Dagdag pa niya, “Tapos siguro after nung shooting namin, nagkaroon kami ng separation anxiety. Magka-text pa rin kami hanggang ngayon. Sabi ko nga, 'sa loob ng pitong shooting days namin, nabuo 'yung friendship naming dalawa.'”
Ipapalabas ang Balota sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa Agosto, na birth month ng Kapuso star.
Nang tanungin ng GMANetwork.com si Marian kung ano ang kanyang wish, sagot niya, “Kapag wish kasi ang daming wish. Siguro mas more on pasasalamat sa lahat ng blessings na dire-diretso. At itong pelikulang ito, isang malaking blessing ito para sa akin at siguro, sinasabi ko nga, maganda gumawa ng isang pelikula na kapag napanood ng tao, may makukuha silang lesson.”
Related gallery: The cast of 'Balota' grace Cinemalaya 2024 press conference