
Binalot ng malakas na hiyawan ng fans ang New Frontier Theater noong Linggo, July 28, sa ikalawang araw ng "Ang Ating Tinig" concert nina Julie Anne San Jose at SB19's Stell nang sabayan sila ng OPM icon na si Gary Valenciano sa paghataw sa hit song ng SB19 na "Gento."
Isa si Gary Valenciano sa special guests sa inabangang first concert together nina Julie at Stell, na talaga namang hindi nagpahuli sa kanyang performances.
Bukod sa paghataw sa "Gento" kasama sina Julie at Stell, pinamangha ni Gary V. ang fans ng swabeng kantahin ang rap part ng SB19 member na si Ken.
Photo by: Gerlyn Mae Mariano
Ani Stell, isang malaking karangalan para sa kanya na makapag-"Gento" kasama si Gary V.
Nagpasalamat din si Gary V. sa mainit na pagtanggap sa kanya ng fans at ang pag-imbita sa kanya nina Julie at Stell na mag-perform sa kanilang concert.
"Gusto kong magpasalamat sa inyong lahat dahil alam ko ang henerasyon na ito ay iba sa henerasyon ko pero iba talaga kapag narinig ko ang your love and your cheers," sabi ng OPM icon.
Pabirong dagdag ni Gary V., wala siyang "choice" dahil kay Stell nanggaling ang ideya na sumayaw siya sa "Gento" at ang direktor pa ng show ay ang anak niyang si Paolo Valenciano.
Sa kanyang pasasalamat, sinabi rin ni Gary V. ang paghanga niya kina Julie at Stell bilang "outstanding artists."
"Hands-off to SB19. Napanood ko ang concert nila sa Araneta Coliseum," papuri ni Gary V. kay Stell at sa grupo nito, ang P-pop Kings SB19.
Mensahe ni Gary V. para naman kay Julie, "Julie, there are many female singers but there are very few extraordinary. Masasabi ko ngayon na ang kalagayan ng OPM ay nasa mabuting kamay."
Naka-duet din nina Julie at Stell si Gary V. sa iconic song na "Sana Maulit Muli."