
Malaki ang dagok na sinapit ng It's Showtime host na si Lassy, o Reginald Marquez sa totoong buhay, nang nanalasa ang Bagyong Carina noong nakaraang linggo.
Ang naturang bagyo ay umabot pa sa kategoryang Super Typhoon, na mas pinalakas pa ng southwest monsoon o Habagat.
Sa vlog ng Beks Battalion, sinamahan nina MC Muah at Chad Kinis ang kanilang kaibigan nang ipinasilip ang kondisyon ng bahay niya, na nasira ng matinding baha.
Ayon kay Lassy, umabot sa second floor ng kaniyang tirahan ang tubig at sa estimate niya, mahigit kalahating milyon ang mga nasirang kagamitan.
Kuwento ni Lassy sa vlog, “Nakakapagod tingnan talaga. July 24 ito 'yung papasok na ako ng It's Showtime, papasok na talaga ako, e, 'yung paggising na ako ng 10:00 para mag-prepare. Biglang may tumatawag pala sa akin hindi ko alam, wala pala kaming internet pala.
“Buti nag-data ako. Pag-data ko may miscall sa akin si Ma'am Rose, ika-cancel na 'yung It's Showtime. Sabi sa akin, 'Lassy, ano nakaalis ka? Huwag kang pumasok,' na ganiyan-ganiyan dahil baha nga raw. Sabi sa akin, 'G, G baba ka! Bumabaha na,' mga 10: 00 something na, e.”
Agad na nagdesisyon si Lassy na ilipat ang kaniyang ina sa katabing bahay na kanila rin nirerentahan nang mapansin niya lalo pang tumataas ang baha.
Pagpapatuloy niya, “Tapos sabi ko ilipat na dun sa mataas.”
“Sabi ko dun na muna si mama kasi delikado na dahil umaangat na 'yung tubig. So naglabasan sila, sabi ko, 'yung mga papeles, lahat ng importante. Hayaan n'yo na lahat na nandirito hayaan n'yo na yan, okay lang. Importante makalabas tayong lahat. So, naiwan ako mag-isa nandito. 'Tapos, nung panahon na nandun na sila mama sa taas umaangat na 'yung tubig, umaangat na so papunta ng second floor.”
Pangalawang beses na raw na nabaha ang nire-rentahan nilang bahay, pero ang naranasan nila sa Bagyong Carina ang pinakamalala.
Sabi ni Lassy, “Dalawang beses na ako [nabaha]. Yung una 2012, na hindi naman umabot ng second floor. Ito yung malala!
“Ito yung sobrang lala, nakaka-trauma talaga.”
Source: BEKS BATTALION (YT)
Balikan ang buong kuwento ni Lassy kung paano na-rescue ang buo niyang pamilya sa kasagsagan ng panalalasa ni Bagyong Carina dito:
RELATED CONTENT: Celebrities share their experience with Super Typhoon Carina