
Isa si Aira Villegas sa talaga namang ipinagmamalaki ngayon ng mamamayang Pilipino.
Matagumpay kasi niyang nasungkit ang bronze medal sa boxing women's 50kg sa 2024 Paris Olympics.
Sa Unang Balita report na ipinalabas sa Unang Hirit nitong August 14, inilahad na proud na proud ang mga kapatid ni Aira sa nakamit na tagumpay ng huli.
“Proud na proud kami na nakapag-uwi ka ng bronze,” pahayag ng kuya at dati ring coach ni Aira na si Romnick Villegas.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Aira dahil ipinagpatuloy ng kanyang kapatid ang nasimulan nila sa boxing, “Salamat at 'yung ano natin… pinagpatuloy mo.”
Dagdag pa ni Romnick, “Focus pa rin sa pangarap, focus lang tayo…sa Panginoon din natin, magdadasal palagi tayo para 'yung pangarap natin makamit talaga natin.”
Mensahe naman ng nakababatang kapatid ni Aira na si Jhundel para sa kanya, “Patuloy lang palagi sa training at magpursige makuha 'yung gintong medalya.”
Samantala, ang bronze medal na nasungkit ni Aira ay ang ikatlong medalya ng Pilipinas mula sa 2024 Paris Olympics matapos mapanalunan ni Carlos Yulo ang dalawang gintong medalya sa artistic gymnastics.
Related Gallery: Carlos Yulo's journey to Olympic Gold