GMA Logo Ogie Diaz
What's Hot

Ogie Diaz, inaming maraming artista ang nagtampo sa kaniya

By Kristine Kang
Published August 22, 2024 2:37 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Signal lost with jet carrying Libyan army chief over Ankara, Turkey says
'Boga' hurts 2 kids in Iloilo; hit in the eyes
Christmas gift ideas for your girl besties

Article Inside Page


Showbiz News

Ogie Diaz


Ogie Diaz sa mga nasaktan niyang celebrities, 'Hindi pa rin ako nawawalan ng hope na mangyayari na magkakaayos din'

Kilala si Ogie Diaz bilang isa sa mga pangunahing source ng netizens pagdating sa showbiz balita. Binansagan pa raw siya bilang 'patron ng mga marites' dahil sa dami ng balita na kaniyang nasasagap mula sa industriya ng showbiz. Gayunpaman, dahil sa likas na katangian ng kaniyang trabaho, hindi maiiwasan na may ilang celebrities ang nagtampo at naghain ng kaso laban sa kaniya.

Sa isang panayam sa YouTube channel ni Aiko Melendez, inamin ni Ogie na maraming artista na dating kaibigan niya ang nagtampo dahil sa mga balita na inilalabas niya tungkol sa kanila.

"May mga artista sa akin na nagtampo dahil minsan na pagnakakaladkad 'yung pangalan nila, na ire-report namin kasi sumabit sila doon sa isyu, makakarating lang sa akin nagtatampo," pahayag niya.

Ayon kay Ogie, sinisiguro niyang humingi ng tawad sa mga artista kung sakaling sila ay nasaktan. Gayunpaman, may celebrities na tila hindi pa rin siya mapatawad ng buo.

"Kung nasaktan man siya, kung na-offend man siya du'n sa pagsabit ng pangalan niya, nagso-sorry ako. Pero minsan hindi ka pa rin forgiven. Parang may ngitngit pa rin [at] naintidihan ko naman din sila, kung saan sila nanggagaling," sabi niya.

Nilinaw ni Ogie na hindi niya pinipilit sila na patawarin siya at naniniwala siyang darating din ang panahon na mapapatawad siya ng lubusan.

"Pero hindi na para isiksik ko 'yung sarili ko. Hindi para ipagiitan ko sa kanila na, 'Huy! Nag-sorry na ako, ano ba? Patatawarin ni'yo ba ako?' Hindi ko na pinipilit iyon kasi mangyayari at mangyayari 'yun pagdating ng araw nang hindi pinipilit," paliwanag niya.

Dagdag din ni Ogie, "So nandoon pa rin ako. Hindi pa rin ako nawawalan ng hope na mangyayari na magkakaayos din."

Kuwento ng showbiz columnist, kahit na may mga alitan o tampuhan pa rin sila sa ilang mga kaibigan at artista, patuloy pa rin niyang binabalita ang kanilang mga kaganapan sa industriya at sa kanilang buhay. Nilinaw din niya na hindi lang negatibong balita ang ibinabahagi niya sa social media, pati rin ang mga magagandang ambag o gawain nila.

Samantala, silipin ang personal na buhay ni Ogie Diaz at kilalanin ang kaniyang miracle baby na si Meerah Kehl sa gallery na ito: