
Hindi matatawaran ang kontribusyon ng seasoned TV and radio broadcaster na si Mike Enriquez sa larangan ng pagbabalita hindi lamang sa Kapuso network pero sa buong bansa.
Matatandaang noong August 29, 2023 ay pumanaw ang GMA Integrated News pillar sa edad na 71.
Sa Instagram post ng award-winning DZBB anchor na si Arnold Clavio, nagbigay-pugay ito sa kanyang 'ama' sa paggunita ng first death anniversary nito.
Sabi ni Arnold sa kanyang post, “EHEM! Ngayong araw ay isang taon na nang iwan tayo ni Ama, Mike Enriquez.
“Hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang pangungulila sa kanyang pagkawala. Iniisip ko na lang ay nasa ospital lang siya o kaya ay nagbabakasyon kasama si Tita Babes.”
Pagpapatuloy ng Unang Hirit host, “Ama, salamat sa paggabay at patuloy na pagbabantay sa akin. Lalo na sa panahon na nalagay din ako sa panganib, ikaw ang una kong naisip. Maraming salamat sa lahat.
“Salamat kay @jacobshltr27 sa pagbahagi ng video na ito kung saan ipinakilala ako ni Sir Mike at Vicky Morales bilang bagong anchor ng Saksi, 20 taon na ang nakararaan .
“Ang kanyang tinig at istilo nang pagbabalita ay mananatili sa isip at puso ng marami sa matagal na panahon.
“Ama, rest in peace.”
Napa-comment sa tribute ni Igan ang kapwa niya DZBB host na si Connie Sison na sinabing, “Always will be grateful to our Sir Mike. Partner, mas bagets ka ngayon tingnan. Naks!”
RELATED CONTENT: LEGACY LEFT BEHIND BY MIKE ENRIQUEZ