
Naghahanda na para sa upcoming GMA Pictures and GMA Public Affairs movie na Green Bones kung saan bibida sina Kapuso Drama King Dennis Trillo at primetime action hero Ruru Madrid.
Sa kanyang Instagram account, nagbahagi si Ruru ng ilang litrato nila ni Dennis kasama ang direktor ng pelikula na si Zig Dulay.
Makikita rito ang isang clapper kung saan nakasaad ang petsa na August 25, 2024. Nakalagay rin dito ang pangalan ni Direk Zig, pati na ang cinematographer niyang si Neil Daza.
Sumunod dito ang dalawang solo pictures ni Ruru na mistulang kuha mula sa isang look test, pati na ang litrato nila nina Dennis at Direk Zig na magkakasama.
"Abangan," simpleng caption ni Ruru sa kanyang post.
Bukod kina Dennis at Ruru, kasama rin sa pelikula si Kapuso actress Kylie Padilla.
Ang Green Bones ay official entry sa 50th Metro Manila Film Festival na itatanghal ngayong December.
Kuwento ito ng isang lalaki na makukulong dahil sa pagpatay sa kanyang kapatid at anak nito. Nang malapit na siyang mabigyan ng parole, makukuha niya ang atensiyon ng isang prison na gagawin ang lahat para manatili siya sa piitan.
Ang Green Bones ay mula sa panulat nina National Artist for Films and Broadcast Arts Ricky Lee, at 2023 MMFF Best Screenplay winner Anj Atienza.