
Kilala ang head writer ng historical drama series na Pulang Araw na si Suzette Doctolero sa pagkakaroon niya ng strong personality at pagiging palaban, kaya naman madalas siyang naba-bash online.
Ngunit kahit laganap na ang cancel culture ngayon, lalo na sa tulong ng social media, aminado ang batikang manunulat na hindi siya takot na ma-cancel.
Ang cancel culture ay isang cultural phenomenon kung saan isinasantabi, hindi tinatangkilik, o kaya naman ay inaatake ng mga salitang masasakit ang isang indibidwal na tingin ng mga tao ay may ginawa o sinabi na hindi sinasang-ayunan ng nakararami.
Sa latest episode ng Updated with Nelson Canlas podcast, ibinahagi ni Suzette na kaya siya pilit na lumalaban pa rin online sa mga taong may negatibong komento ay dahil ayaw niyang magkaroon sila ng “power” over her.
“Ayoko na matatakot ako sa kanila na 'baka ma-cancel ako, baka ma-bash ako.' Ayoko nu'n, ayoko ng ganu'ng feeling talaga. Hindi ako makakatulog. Bakit? Bakit ako matatakot, e isa lang ang dapat katakutan ko, 'yung God lang?” sabi ni Suzette.
“So sasabihin ko sa page ko kung ano ang aking mga views at opinyon whether gusto ng ibang tao, hindi nila gusto at i-bash ako, at maraming beses talagang maba-bash ako,” dagdag niya.
Ngunit kahit marami umano ang mang-bash sa kaniya, makakatulog pa rin si Suzette ng mahimbing dahil alam niyang hindi siya nawalan ng kalayaan “lalo na sa freedom of expression.”
“Hindi ako takot ma-cancel, ma-bash, basta sasabihin ko ang opinyon ko. Bakit? Pakialam ba nila?” ani Suzette.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA BEST REACTION NG CELEBRITIES SA KANILANG BASHERS SA GALLERY NA ITO:
Marami na rin pinagdaanan si Suzette na mga panlalait at pamba-bash kaya naman hindi na bago sa kaniya kung ma-cancel man siya. Katunayan ay nakatanggap pa siya noon ng mga panlalait dahil sa kaniyang mga proyekto at opinyon.
Kuwento ng batikang manunulat, minsan na siyang na-cancel culture noon dahil sa tema ng kaniyang serye na My Husband's Lover. Na-bash na rin siya noon sa kaniyang action series na Alyas Robinhood dahil sa pagkakapareho umano nito sa isang international series.
“Hindi ako takot kasi ang lagi kong tinatanong sa sarili ko, 'Hindi ako nagsisinungaling, totoo sa 'kin 'to, paniniwala ko 'to, at may pinaglalaban ako.' As long na may pinaglalaban ako, then gagawin ko siya, kung kinakailangan ko siyang isulat,” paliwanag ni Suzette.
Ayon pa sa GMA creative consultant, hindi na siya gaanong pumapatol ngayon sa mga pamba-bash online. Ayaw na rin niyang magsasalita maliban na lang sa mga piling issues. Ito ay dahil napansin niyang kahit may magsalita ay wala namang nagbabago.
“Dati napakapatola ko, ngayon hindi, dinededma ko na sila except may pinipili lang akong one or two na medyo bibigyan ko ng one-liner para sa aking kaaliwan,” sabi niya.
Pero paglilinaw ni Suzette, importante pa rin na may nagsasalita paminsan-minsan para maensayo umano ang freedom of speech at paniniwala sa demokrasiya.
“Kasi 'pag walang nagsasalita, ang daming pwedeng mangyaring masasama. Ang importante du'n, 'pag alam nating masama, dapat ika-cancel siya at dapat may nagte-take ng stand,” paglalahad niya.
Pakinggan ang buong panayam kay Suzette rito: