
Sobrang naging emosyonal si Sherilyn Reyes-Tan sa sorpresang natanggap niya mula sa kanyang pamilya kamakailan lang.
Sa Instagram, isang video ang in-upload ng panganay na anak ni Sherilyn na si Ryle tungkol sa isang intimate event.
Mapapanood dito ang surprise proposal ni Chris Tan sa aktres at kanyang asawa.
Sulat ni Ryle sa caption ng kanyang post, “Dad proposes to mom to marry him again on their 25th year.”
Sa unang parte nito, matutunghayan ang seryosong speech ni Chris para kay Sherilyn habang sila ay nasa isang kwarto.
Kasama rito ang napakahalagang linya na talaga namang nagpatulo ng luha ng Sparkle actress.
Sabi ni Chris kay Sherilyn, “If you would have me wala kong ring just like the first time to follow na lang 'yung ring kasi marami pa tayong kailangang tapusin. But will you marry me again?”
Mapapanood na tumango ang aktres habang umiiyak, hudyat na payag siyang muling magpakasal kay Chris.
Bukod sa proposal, nakatanggap din ng sorpresa si Sherilyn mula sa kanyang mga anak.
Ayon kay Chris, nagpatulong siya kina Ryle, Lorenz, at Anya na mag-record habang kinakanta ang theme song nila ni Sherilyn na 'Through the Years' by Kenny Rogers.
Sa comments section, mapapansin na marami ang talaga namang naantig sa nangyaring proposal.
Samantala, patuloy na umaani ng positive comments ang videos ng Tan family sa video-sharing app na TikTok.