
Nang ipinanganak ang isang batang babae sa Negros Oriental, kulay asul daw ang mga mata nito. Ngunit nang maging tatlong-taong-gulang, bigla umano nag-iba ang kulay nito at naging gray. Palaisipan tuloy kung paano ito nangyari, kahit walang lahing banyaga ang kanyang mga magulang.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, kinagigiliwan ng mga tao ang anim na taong gulang na ngayon na si Jane dahil sa kakaibang kulay ng kaniyang mga mata na gray na bahagyang may kulay asul.
Ayon sa kaniyang mga magulang na sina Geraldine at Jubert, wala silang lahing banyaga at parehong kulay brown ang kanilang mga mata, pati na ang isa nilang anak.
Kuwento ni Geraldine, kulay asul ang mga mata ni Jane nang kanyang isilang pero naging gray nang maging edad tatlo na ang bata.
Pinaghihinalaan man ng iba na baka anak ng banyaga si Jane, itinatanggi naman ito ni Geraldine. Nakatitiyak din siya na hindi ito napalitan nang kaniyang isilang.
Dahil kulang sa pera, hindi pa nila napapasuri ang mga mata ni Jane. Nangangamba si Geraldine na baka magkaroon ng problema sa paningin ang bata kalaunan.
Sinamahan ng KMJS team si Geraldine na ipatingin sa espesyalista ang mga mata ni Jane, at dito na nila natuklasan na mayroong Waardenburg Syndrome ang bata.
Paliwanag ni Dr. Lorenzo Vera Cruz Jr., Ophthalmologist, nagiging blue ang kulay ng mata dahil sa melanin pigment na nagbibigay ng kulay brown.
Habang tumatanda si Jane, nababawasan umano ang amount ng melanin pigment kaya nagiging gray na ang kulay nito.
Kahit wala umanong magiging problema sa paningin nito, makabubuti na magpatingin kada taon si Jane para sa monitoring.
Samantala, si Jubert, may inamin naman tungkol sa kanyang lolo na batay sa kuwento ng kanyang ama.
Alamin kung ano ito sa video ng KMJS: