
Patok din sa ibang bansa ang pagpapalabas ng romantic film na Hello, Love, Again.
Hindi lang sa Pilipinas pinipilahan ang bagong pelikula nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, kundi pati na rin sa Canada at sa iba pang bansa.
Sa reel ngayong Sabado, November 16, na in-upload ng Facebook user na si Dash TheDriver na driver ng Hello, Love, Again team sa Canada, makikitang dinagsa ng tao ang isang movie house sa Calgary, na matatagpuan sa probinsya ng Alberta, na nagpapalabas ng romantic film.
Sa Calgary ang main shoot location ng Hello, Love, Again na continuation ng love story nina Joy (Kathryn) at Ethan (Alden).
Samantala, ipinapalabas din ang Hello, Love, Again sa Australia, New Zealand, US, Saipan, and Guam.
Magkakaroon din ito ng screening sa Europe simula November 16. Ipapalabas ito sa mga sinehan sa ilang lungsod sa UK, Finland, Ireland, Italy, Malta, Germany, Austria, France, Spain, Netherlands, at Greece.
Nakatakda ring ipalabas ang Hello, Love, Again sa UAE, Oman, Qatar, KSA, at Bahrain simula November 21.
Sa ngayon, kumita na ito ng mahigit Php 245 million sa local cinemas.
Collaboration film ng GMA Pictures at ABS-CBN's Star Cinema ang Hello, Love, Again na sequel ng 2019 blockbuster na Hello, Love, Goodbye na isa sa mga highest grossing Filipino film of all time.
Kasalukuyang napapanood ang Hello, Love, Again sa mahigit 1,000 sinehan worldwide. Mula ito sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana.