
“Natural ata sa akin.”
Iyan ang biro ng Kapuso actress na si Thea Tolentino nang tanungin ng Lutong Bahay host na si Mikee Quintos kung nahihirapan itong magtaray at ilabas ang kasungitan niya tuwing gaganap sa mga kontrabida roles.
Kuwento ni Thea, “Dati akala ko mabait ako, [pero] kasi sa bahay, lagi kami parang galit mag-usap [ng pamilya ko]. So, parang sanay ako na galit lagi sa tono [ng pananalita].”
Ayon kay Thea, namana niya ito sa kaniyang ama.
“Parang maliit na bagay lang, ang laki ng reaksiyon namin ng tatay ko [kaya] nanay ko, na-se-stress,” ani Thea.
Bukod sa kaniyang upbringing, ibinahagi ni Thea ang kaniyang paghanga kina Widows' War star Jean Garcia at Gladys Reyes na dalawa sa pinakasikat na kontrabida sa industriya ngayon.
RELATED GALLERY: Kapuso stars at ang kanilang kontrabida roles
“Mata pa lang nilang dalawa, meron na…” kuwento ni Thea kay Mikee.
Ayon kay Thea, naranasan niya ang hagupit ng pagiging kontrabida ni Gladys Reyes noong makatrabaho niya ito sa 2013 GMA drama na Pyra.
Isa ito sa mangilan-ngilang bida roles ni Thea na, ayon sa aktres, ibang-iba sa kaniyang mga nakagisnang karakter.
“Saksakan nang bait [ng role ko sa Pyra],” kuwento ni Thea kay Mikee. “Kasi sinasabunutan na, [...] may 'po' pa rin ['yung linya].”
Samantala, nakatrabaho naman ni Thea si Jean Garcia sa 2014 GMA drama na Half Sisters kasama ang Pulang Araw star na si Barbie Forteza.
Mapapanood si Thea Tolentino sa kaabang-abang na GMA Afternoon Prime show na Binibining Marikit kasama sina Herlene Budol, Cris Villanueva, Almira Muhlach, Dr. Rob Walcher, Ashley Rivera, John Feir, Jeff Moses, at Migs Almendras.
RELATED GALLERY: Thea Tolentino opens up about villain roles, Japan, and her
non-showbiz boyfriend