
Puno ng emosyon at excitement ang ipinakita ng full trailer ng inspirational drama film na Green Bones.
Ipinasilip nito ang madamdaming kuwento ng mga karakter, lalo na kina Dom Zamora at Xavier Gonzaga na ginampanan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Ang emotional trailer ay umabot na ng mahigit six million views sa social media. Dinagsa rin ito ng maraming positibong reaksyon ng netizens.
Marami ang na-excite sa ipinakitang cinematography at mahusay na pag-arte nina Dennis at Ruru. May mga nagsabi pa na posible raw maraming awards ang makukuha ng pelikula ngayong taon.
Proud din ang fans kay Ruru dahil unang beses nilang makikita ang Kapuso primetime action hero sa Metro Manila Film Festival (MMFF) big screen.
Maliban dito, labis din ang tuwa ng ATIN fans nang marinig ang kanta ng SB19 na 'Nyebe' bilang main theme song ng pelikula. Pinuri nila ang epekto ng kantang ito sa mga eksena ng inspirational drama film, na lalo pang nagpalakas ng emosyon.
Sa isang exclusive interview, nagpasalamat si Ruru sa mga tumangkilik at sumuporta sa teasers ng Green Bones.
"Gusto ko lang po magpasalamat sa lahat ng mga magagandang feedback na natanggap po ng Green Bones sa aming trailer, sa aming teasers. Maraming salamat po. Nakakataba po ng puso dahil ito pong pelikula na ito ay talagang amin pong minahal at talagang pinagpaguran," pahayan niya.
"Para sa aming hangarin (ito) na makapagbigay ng magandang pelikula at makapagbigay rin po ng inspirasyon sa inyong mga manonood. Kung nagustuhan n'yo po ang aming trailer at ang aming mga teaser, I'm sure magugustuhan n'yo rin po ang aming pelikula. Dahil talagang sobrang ganda po ng pelikula na ito," dagdag niya.
Ipapalabas na ang Green Bones sa mga sinehan ngayong December 25 bilang official entry sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Binuo ito ng award-winning team ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment. Isinulat din ito nina National Artist Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza.
Kasama rin sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Panoorin ang full trailer ng Green Bones, dito: