
Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan simula nang makilala si Mark Herras sa pamamagitan ng reality talet search show na StarStruck.
Sa naturang programa, hinirang siya bilang unang Male Survivor habang si Jennylyn Mercado naman ang unang Female Survivor. Sa ngayon, katulad ni Mark at Jennylyn, ilan pang ka-batch nila ang nanatiling aktibo sa showbiz.
Dahil sa kanyang estado sa showbiz, nahingan ng tip si Mark sa mga gustong pumasok sa showbiz sa pamamagitan ng isang reality show.
“Magpakatotoo sila. Yun ang number one kasi iba pa rin yung nagpapakatotoo ka sa harap o likod ng camera, sa mga tao. Magmamarka yun sa kanila,” sabi ng aktor nang makausap siya ng entertainment media sa launch ng "The Influencers Reality Challenge” kamakailan.
Related gallery: StarStruck Batch 1's 20th anniversary: Where are they now?
Samantala, sa ngayon ay naghihintay si Mark ng bagong proyektong gagawin.
Aniya, “Naghihintay na lang ako ng bagong soap, kung ano man yun. And hindi ko naman ine-expect na bibigyan nila ako ng lead role. Hindi naman yun ang target ko.”
Dagdag pa niya, “Ang goal ko naman is just to have work na maayos. Kahit papano naman nabibigyan ako ng trabaho, and then yung mga raket sa labas. Hindi ko naman na gino-goal ang [mataas] na career. Mahirap yun. e. So, okay na ako dun. Na-experience ko na yun.”
Huling napanood sa GMA si Mark sa hit Afternoon Prime series na Abot-Kamay na Pangarap.