
"Hanggang ngayon po, baka surreal ang dating."
Iyan ang sinabi ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo matapos tanggapin ang kanyang parangal bilang Best Actor sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Pinarangalan siya sa kanyang kahusayan sa pagganap bilang Domingo Zamora sa inspirational-drama film na Green Bones. Marami ang pumuri sa kanyang performance, at may mga komento pa nga na tila hindi si Dennis ang kanilang nakikita sa pelikula, kundi ang karakter niyang si Dom mismo.
"Siguro po 'yung pagkakasulat kasi ng kwento, 'yung pagkakadetalye ng karakter niya habang binabasa ko 'yung script, talagang nakatulong po, e. Nakatulong din po ang pag-aaral ng sign language at saka 'yung mga pinag-aralan (ko) din po 'yung kung ano talaga ginagawa ng PDL. Siguro naramdaman nila nabuo 'yung karakter," paliwanag ni Dennis sa Kapuso Mo Jessica Soho.
Dahil dito, labis ang pasasalamat ni Dennis sa mga natanggap niyang parangal, suporta, at pagmamahal ngayong MMFF. Ayon nga sa kanya, "dream come true" ang nararanasan niyang tagumpay bilang isang aktor.
Sa isang post sa Threads, ibinahagi ni Dennis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta at nagbigay ng blessings sa kanya. Isinulat niya, "Hindi ko akalain na sa tagal ko nang artista ay ngayon ko lamang masasabi ito…this is probably the best moment of my career as an actor."
Labis ang pasasalamat ni Dennis sa Green Bones na nagbigay daan upang maipamalas niya ang kanyang talento bilang aktor at makamit ang bagong achievements sa kanyang karera.
"Wow… just wow, literal na dream come true. Gusto ko lang i-share sa inyo, kung gaano kasarap sa pakiramdam….thank you Green Bones," dagdag niya.
Puno ng supportive messages ang natanggap ni Dennis sa comment section ng kanyang post. Maraming fans ang proud at natuwa sa bagong milestone ng aktor sa showbiz. Meron din ilang netizens na nagsabing "well deserved" ang mga parangal na natamo niya, dahil kitang-kita raw ang kanyang dedikasyon at talento sa pelikula.
Mapapanood pa rin ang Green Bones sa mga sinehan nationwide. Patuloy din ipapalabas ito sa mga ilang sinehan sa January 10 hanggang January 14.
Ang pelikula ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 2024 Metro Manila Film Festival. Idinerehe ito ni Direk Zig Dulay at isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza. Ito rin ay co-produced ng Brightburn Entertainment at kasama sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Samantala, balikan ang versatile career ni Dennis Trillo sa gallery na ito: