Showbiz News

Dennis Trillo, excited na sa comeback movie nila ni Jennylyn Mercado

By Jansen Ramos

Matapos ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 Best Picture na Green Bones, nasundan agad ang big screen project ni Dennis Trillo with a GMA Pictures co-production, this time, kasama ang kanyang misis at two-time MMFF best actress na si Jennylyn Mercado.

Bibida sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado sa romantic comedy film na Everything About My Wife, na unang pelikula nila bilang mag-asawa.

Ilang taon na rin ang nakalilipas nang huli silang nagkasama sa pelikula sa pamamagitan ng period drama film na Rosario kaya naman excited na si Dennis sa bago nilang movie project ni Jen.

Sabi ng 50th MMFF Best Actor sa panayam ni Aubrey Carampel sa 24 Oras kagabi, January 8, "Medyo matagal-tagal na rin kaming 'di gumagawa ng pelikula, siguro more than 10 years na. And eto 'yung comeback movie namin kaya natutuwa ako na maraming ang nakagusto sa trailer and maraming na-excite."

Inilabas ang unang teaser ng Everything About My Wife noong December 30 at nakakuha na agad ito ng mahigit dalawang milyong views across social media platforms.

Sa Everything About My Wife, makakasama nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado si Sam Milby na unang nakatrabaho ng aktres sa 2015 romantic comedy film na The Prenup.

Ang Everything About My Wife ay collaboration ng CreaZion Studios at GMA Pictures, kasama ang Glimmer Studio Philippines. Mapapanood ito sa mga sinehan simula February 26.