
Masayang kuwentuhan ang hatid ng Kapuso actress na si Sofia Pablo sa January 24 episode ng GTV cooking show na Lutong Bahay kasama si Mikee Quintos.
Sinaluhan siya ng kaniyang ama na si Chris Pablo na nagbalik-tanaw sa journey ni Sofia bilang aktres.
Aniya ay hindi niya raw inasahang itutuloy ni Sofia ang pagiging aritsta.
“Honestly, hindi [ko inasahan], kasi parang ano hindi naman siya born na naturally talented.”
“Grabe!” reaksiyon ni Sofia, “Pero totoo po. Noong una, mahiyain [ako] tapos nang tumanda na nang kaunti, doon ko nakita na [gusto ko mag-artista].”
Kuwento ni Sofia ay kailangan niya pa noon ng suporta ng kaniyang ina sa mga VTR shoots.
“Nag-start po ako [sa] commercials tapos hindi ko po talaga in-imagine na mag-aartista ako kasi kapag nagcvi-VTR po ako, [...] kailangan hawak ko si mommy or else iiyak ako. Hindi ko kaya nang wala akong kasama.”
Related gallery: A look at the details of Sofia Pablo's tropical themed debut
Kinalaunan ay natuto na rin si Sofia at sinabing nasanay na ito sa industriya.
“Hindi ko rin po alam. Parang, I think, growing up po sa industry, nasanay [na lang].”
Proud naman ang ama nito dahil sa dedikasyon ni Sofia bilang artista na talaga raw inaaral at pinaghahandaan ang bawat role na ibinibigay sa kaniya.
“[...] ayun nga nag-start kasi siya as in sa wala. Zero talent, ganyan. Ang meron lang siya is 'yung itsura, so ayun, dahan-dahan. Natuto siyang sumayaw, natutong mag-act, hindi na siya nahihiya sa camera, [at] natuto nang mag-smile,” kuwento nito.
Dagdag niya, “Ayun naman ang gusto ko sa kaniya. Kasi parang every new project, makikita mo 'yung improvement. Alam niya na ako 'yung number one critique so hindi ko siya sinu-sugarcoat.”
Ngayon ay mapapanood si Sofia sa pinakabagong GMA Afternoon Prime na Prinsesa Ng City Jail.
Masaya rin daw ito sa mainit na pagtanggap ng mga manonood.
“Siyempre po super saya and mas nakakataba ng puso na [grabe] 'yung pagtanggap ng mga tao [kahit na] simula pa lang ng istorya namin. [...] Ang dami nang na-hook, ang dami nang naiyak…” sabi ni Sofia.
Ayon pa rito ay dapat daw abangan ang mga drama scenes dito, lalo na ng kaniyang on-screen partner na si Allen Ansay.
“Para sa akin, pinakaaabangan kasi 'yung heavy drama kasi it's -- of course, drama, pero 'yung scenes kasi namin, it's not the usual,” sabi ni Sofia.
“Usually po rom-com, kilig-kilig (Allen)… pero ngayon, heavy drama!”
Panoorin ang Prinsesa Ng City Jail Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.
SAMANTALA, BALIKAN ANG NAGING MEDIA CONFERENCE PARA SA PRINSESA NG CITY JAIL SA IBABA