
Puno ng pasasalamat ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa ginanap na 7th Gawad Lasallianeta awarding ceremony.
Ngayong January 27 ginanap ang 7th Gawad Lasallianeta 2025 awarding ceremony sa Institutional Activity Center. Kinilala si Dingdong bilang Most Outstanding Competition Show Host para sa Family Feud at The Voice Kids. Pinarangalan din ang Family Feud na Most Outstanding Competition/Reality Show.
PHOTO SOURCE: Family Feud
Sa pagbisita ni Dingdong sa Fast Talk with Boy Abunda, inilahad niya ang pasasalamat sa pagkilala sa kaniyang husay bilang host at sa mga programang kaniyang pinagbibidahan sa GMA Network.
Saad ni Dingdong, "[Ang] Family Feud at The Voice ay nakatanggap ng recognitions. Maraming salamat sa inyong pagkilala. Kanina nagpunta po kami doon."
Ikinuwento pa ni Dingdong ang kaniyang journey bilang host sa Family Feud. Aniya, sa simula ay nakaramdam siya ng takot sa pagiging host ng programa.
"Ibinigay sa akin 'yung assignment ng Family Feud, sobrang natatakot ako noon kasi hindi ko forte 'yung ganoong klaseng game show. Galing ako sa drama, galing ako sa mga seryosong bagay. Then ito 'yung isang opportunity for me pero siyempre kinailangan ng kaunting courage at with the help of so many people, naging kampante ako. Lalo na sa mga malulupit na mga guests ng Family Feud."
Ayon pa kay Dingdong, ang pagkilala sa Family Feud at The Voice Kids ay ibinabahagi niya sa buong team na bumubuo ng mga programang ito.
"Dahil doon kaya nagkaroon ng recognition kaya sabi ko maraming salamat at napansin 'yun. Lahat ng recognition na 'yun ay shinishare ko sa buong team ng Family Feud at The Voice."
Congratulations, Kapuso!