
Isang masayang hapon ang pinagsaluhan nina Kapuso actor Jay Ortega, Mikee Quintos, at Hazel Cheffy sa GTV cooking talk show na Lutong Bahay kung saan pinag-usapan nila ang naging buhay ng aktor noong nasa Japan ito.
Ayon kay Jay ay nanirahan siya sa Japan nang limang taon, mula 11 hanggang 16 years old, kasama ang kaniyang magulang at mga kapatid.
Hindi naman naging madali ang buhay niya rito, lalo na nang pumasok sa eskuwelahan dahil sa cultural differences na naranasan. Ayon pa sa kaniya, na-bully raw siya ng mga Hapon niyang schoolmates noong 12-13 years old siya.
“Naka-experience din ako ng bullying,” kuwento ni Jay.
“'Yung mga na-experience ko lang naman is medyo physical… ” dagdag ni Jay. “Walang words. Parang pagti-trip-an ka lang bigla kasi ibang lahi ka, e.”
Mabilis namang naaksiyunan ang kaso ng bullying nang ipaalam nila sa eskuwelahan ang mga naging karanasan ni Jay, “Mabilis ang aksiyon doon sa Japan, e.”
Bukod sa pagtatapos ng high school, naging memorable sa kaniya ang pagiging part-time factory worker at janitor sa isang ospital habang nag-aaral.
“Kasi 'yung classes ko before sa Japan starts at 5 p.m. to 9 p.m. Panggabi 'yung class ko, so simula 9 a.m. hanggang 3 p.m., nagpa-part time ako,” kuwento ni Jay.