
Patuloy na nagniningning at nagbibigay inspirasyon ang Kapuso award-winning film director na si Zig Dulay.
Dahil sa kanyang dedikasyon sa pagbibigay ng magagandang sining sa Philippine entertainment, siya'y tinitingala ng karamihan lalo na ng aspiring film practitioners.
Kaya naman kamakailan, isa si Direk Zig sa mga pinarangalan ng prestihiyosong 2024 Ten Outstanding Young Men (TOYM) Awards ng Malacañang.
Natanggap niya ang trophy para sa kanyang serbisyo sa larangan ng Arts and Culture (TV/Film). Kilala ang Kapuso direktor sa kanyang mga idinereheng pelikula tulad ng Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Picture winners na Green Bones at Firefly. Si Direk Zig din ang nasa likod ng mga dekalidad na seryeng telebisyon katulad ng Maria Clara at Ibarra, Widows' War, at My Guardian Alien.
"Ang sarap sa pakiramdam na 'yung nakakuha ka ng tagumpay tapos alam mo hindi lang ito natatapos para sa sarili lang, kundi para sa ibang tao, para sa nakakarami," pahayag ni Direk Zig. "Tatanggapin mo 'yung award hindi lamang para sa iyong sarili, kung hindi para sa mga taong nasa paligid mo, sa GMA, U.P. Baguio, pamilya ko sa Santiago."
Kasama rin sa mga pinarangalan ang iba pang mahuhusay na Pilipino sa kani-kanilang larangan. Kabilang ang 2015 Miss Universe na si Pia Wurtzbach para sa Humanitarian Service and Social Work.
Ayon sa Chairman of the Board of Judges at dating Senador na si Mar Roxas, maingat ang kanilang pagpili sa awardees at siniguradong naaayon ang listahan sa tema ng TOYM Awards.
"Ano 'yung impact? Papaano nila ginamit 'yung kanilang kakayahan para makatulong sa kapwa. So 'yung service element ang naging malaking bahagi rin ng judging portion," sabi ni Mar Roxas.
Samantala, balikan ang back-to-back win ng GMA Pictures sa Metro Manila Film Festival: