
Maganda ang naging pagtatapos ng buwan ng Pebrero para kay primetime action hero Ruru Madrid.
Hinirang kasi siya bilang "Cosmo Crush" para sa February ng lifestyle magazine na Cosmopolitan Philippines.
Sa kanyang panayam sa magazine, ibinahagi ni Ruru ang kanyang love language. Ayon sa aktor, hindi na siya naghihintay ng mga okasyon para iparamdam ang pagmamahal niya sa isang tao.
"Alam mo 'yung 'pag nasa mall kayo and then sinabi mo, 'I like this.' 'Yun. Action--hindi na ako maghihintay ng okasyon para lang para lang ibigay ['yung gift] sa kanya. Because for me, everyday dapat iparamdam mo sa kanya 'yung special day," bahagi niya.
Bukod dito, pinili din ni Ruru si Lolong bilang karakter niyang pinakakatulad niya pagdating sa pagmamahal.
"Si Lolong is sobrang unselfish. Kumbaga uunahin niya palagi 'yung ibang tao kaysa sa kanya. For example, let's say last pagkain na 'to pero sinabi ng mahal mo na 'Gusto ko,' o 'Parang gutom pa ako.' Ibibigay niya. I guess parang ganoon rin ako pagdating sa love," paliwanag niya.
Basahin ang feature ng Cosmopolitan Philippines kay Ruru Madrid sa www.Cosmo.ph
Kasalukuyang napapanood si Ruru sa pangalawang season ng hit action-adventure series na Lolong.
Pinamagatang Lolong: Bayani ng Bayan, muling bibigyang-buhay dito si Ruru ang kuwento ni Lolong at ng mga Atubaw--lahi ng mga nilalang na malapit sa mga buwaya at may kakayanang pagalingin ang sarili nilang mga sugat.
Patuloy na tumutok sa dambuhalang adventure serye na Lolong: Bayani ng Bayan, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.