
Muling nagkasama sina Camille Prats at Jean Garcia sa GMA Thanksgiving party Miyerkules ng gabi, March 20.
Ikinatuwa ito ng marami lalo na sa mga nakakikilala kay Camille bilang Princess Sarah at kay Jean bilang ang terror head mistress na si Miss Minchin, sumikat mula sa 1995 film na “Sarah, ang Munting Prinsesa."
Sa Instagram post ni Camille, ibinahagi niya ang ilang mga litrato nila ni Jean at sinabing "always a pleasure” ang makasalubong niya ang beteranong aktres.
Aniya, "My one and only Ms Minchin. Always a pleasure bumping into you tita @chic2garcia ikaw talaga ang peg at motivation ko sa #MommyDearest ” caption ni Camille.
Ipinahayag din ni Camille ang kahilingan niyang makatrabaho muli si Jean sa isang proyekto.
Sa comments section, maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang saya na makita ang dalawa na magkasama. Marami ang nakaramdam ng nostalgia sa muling pakikita ng dalawang aktres.
Ang iba, inalala rin ang sikat na meme ni Sarah tungkol sa pagbabalat ng patatas.
Komento ng isa, “No potatoes were harmed during this picture taking”
Tanong naman ng isang netizen, “@camilleprats Pinagbalat ka ba ng patatas?? ”
BALIKAN ANG ILAN SA MGA JAW-DROPPING LOOKS NI CAMILLE SA GALLERY NA ITO:
Nagkomento rin ang ilang netizens tungkol sa pagiging kontrabida ni Camille sa hit Afternoon Prime series na Mommy Dearest, kung saan gumaganap siya bilang Olive.
Isang netizen ang nagpahayag kung gaano siya nanggigigil kay Olive, at sinabing para na ring si Miss Minchin si Camille sa pakikitungo nito kay Mookie, ang karakter naman ng co-star niyang si Shayne Sava.
Comment ng isang netizen, “Sabi ko nga ba eh!! Ikaw talaga ang successor sa pagiging Ms. Minchin sa Mommy Dearest. Si Mookie naman ang magbabalat ng patatas. ”
Sabi naman ng isa pang comment, sana ay magkatrabaho muli ang dalawa, at si Miss Minchin naman ang magbabalat ng patatas.
“Sana kung may new project man, ikaw naman 'yung kontrabida this time tapos si @chic2garcia naman ang ikulong mo sa atik at pagbalatin mo ng patatas ” sabi nito.
Napapanood ngayon si Camille sa Afternoon Prime series na Mommy Dearest, habang si Jean naman sa GMA Prime series na Lolong: Bayani ng Bayan bilang si Dona Banson.