
Sa unang pagkakataon, mapapanood ang pamilya nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa isang GMA drama series.
Bibida sina Carmina Villarroel, Cassy Legaspi, Mavy Legaspi, at Zoren Legaspi sa pinakabagong Kapuso drama series na pinamagatang Hating Kapatid.
Kabilang din sa stellar cast ng nasabing serye sina Valerie Concepcion, Leandro Baldemor, Glenda Garcia, Mel Kinura, Cheska Fausto.
Sa naganap na story conference para sa bagong drama series, nagpapasalamat si Carmina sa team na bumubuo ng Hating Kapatid dahil sa napakagandang proyekto para sa kaniyang pamilya.
Pag-amin din ng batikang aktres, nakaramdam siya ng kaba para sa upcoming show.
“We're really thankful dahil nakaisip po kayo ng ganitong kagandang proyekto para sa pamilya namin and we appreciate it. And super understandable na may kaba. Ako naman in that everything I do, every time na I accept a show, laging namang may kaba and I think that is also good para hindi masyadong complacent,” pagbabahagi niya.
Ayon naman kay Zoren, nakaramdam din siya ng kakaibang tibok ng puso sa bagong serye dahil sa panibagong karakter na gagampanan.
“Lahat naman ng project na bago, may kakaibang tibok ng puso mo 'yan e, whether close sa'yo or kaibigan mo. It's because of 'yung bagong character na ipo-portray mo, unang-una 'yun kasi 'yung magpapatibok ng puso mo, kung paano ka mai-in love doon sa character mo,” aniya sa panayam ng GMANetwork.com.
Samantala, excited at labis na nagpapasalamat sina Cassy at Mavy na makatrabaho ang kanilang mga magulang at ang isa't-isa sa isang drama series.
“I think it's going to be very interesting kasi pati ako, I'm not sure how it's going to go, but I'm excited and I'm very, very grateful,” ani Cassy.
Pagbabahagi naman ni Mavy, “I'm very excited na makakasama ko 'yung pamilya ko because they bring out the best in me. So I'm excited to show the best in me sa mga Kapuso viewers natin.”
Abangan ang Hating Kapatid, soon sa GMA.