
Usap-usapan ngayon sa social media ang latest scene ni Esnyr sa teleserye ng totoong buhay na Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Related Gallery: Esnyr, kinagigiliwan sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition
Marami ang tila naka-relate sa istorya ni Esnyr tungkol sa mga karanasan niya sa buhay upang makatulong at makapag-provide sa kaniyang pamilya.
Pahayag ng content creator, “Okay ako na bahala sa grocery, ako na bahala sa kuryente ganyan, sobrang little things… hanggang sa may opportunity ako dito sa Manila, dun pala magsisimula 'yung problem ko sa family ko.”
“One day, nag-call sa akin parents ko na makukulong 'yung papa ko, sabi ko bakit, kasi daw may utang daw kami tapos sakto pa na 'yung utang namin is ganun kalaki sa makukuha ko. Siyempre, ayoko makulong 'yung papa ko kaya binigay ko tapos nangutang ako, dun na nagsimula ang utang chronicles ko,” pagpapatuloy niya.
Kasunod nito, inilahad niya kung paano niya ginawa ang kaniyang makakaya para lang matugunan ang iba pang pangangailangan ng kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Sabi niya, “Since medyo malaki 'yung binayaran ko para hindi makulong yung father, kumayod ako, tinanggap ko lahat ng brands. Every day gagawa ako ng script, mag-e-edit ako, magshu-shoot ako.”
Naging mas emosyonal pa si Esnyr nang ilahad niya ang tungkol sa mabigat na mensaheng natanggap niya mula sa kaniyang magulang habang siya ay nagtatrabaho bilang influencer.
Kuwento niya, “Sobrang busy ko that time na nagme-message sila Papa sa akin, ''Asan na 'yung pera?' 'Tapos, hindi ako nakapag-reply, dun ko natanggap 'yung unang message ng Papa ko sa akin na, “Grabe ka magpasarap diyan sa buhay mo diyan, kaya mong makita mo 'yung parents mo na naghihirap. Pero sige lang, gusto ko malaman mo na mabubuhay kami kahit wala ka.' Sobrang sakit sa akin nun kasi ginawa ko 'to para sa kanila…”
Karamihan sa kaniyang fans ay talaga namang nagulat at mas lalong humanga sa kaniya dahil sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagdadaanan ay nagagawa pa rin niyang magbigay saya sa iba.
Narito ang ilang reaksyon ng Pinoy Big Brother viewers sa istorya ni Esnyr:
Kilala ngayon ang Star Magic artist at content creator sa teleserye ng totoong buhay bilang Son-sational Viral Beshie ng Davao del Sur.
Matatandaang naging parte siya ng pelikulang Balota, na pinagbidahan ng A-list Kapuso actress na si Marian Rivera.
Samantala, mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, weekdays 10:00 p.m. at weekends, 6:15 p.m., sa GMA, Kapuso Stream, GMANetwork.com, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, iWanTFC, at TFC.
Maaari ring silipin ang mga kaganapan ngayon sa loob ng Big Brother house sa All-Access Livestream ng programa.
Abangan ang iba pang detalye tungkol dito sa GMANetwork.com at iba pang social media platforms ng GMA at ABS-CBN.