
Nagsimula nang mag-taping ang aktres na si Jillian Ward sa GMA Prime drama-action series na Mga Batang Riles kung saan gaganap siya bilang si Lady.
Sa unang araw ng pagsabak ni Jillian sa trabaho ay agad niyang nakasundo ang mga bida ng Mga Batang Riles na sina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Bruce Roeland, Raheel Bhyria, at Anton Vinzon na gumaganap bilang sila Kidlat, Kulot, Matos, Sig, at Dags.
"Kahit super professional sila, hindi pa rin nila nakakalimutan to have fun. Very light hearted po 'yung set nila, feeling ko ma-e-enjoy ko 'to," saad ni Jillian sa panayam ni Aubrey Carampel sa 24 Oras.
Sa limang lalaking bida ng Mga Batang Riles, aminado si Raheel na siya ang pinakamasaya na muling makatrabaho si Jillian na una na niyang nakasama noon sa Abot-Kamay Na Pangarap.
Saad ni Raheel, "Lahat po kami excited kasi marami kaming scenes. Malamang ako [ang pinaka-excited]. Dito po natin mami-meet 'yung character ni Jill, si Lady."
Dagdag ni Jillian, sa una ay hindi maganda ang turingan nina Sig at Lady sa isa't isa.
Pag-amin ni Jillian, "Medyo mataray siya kay Sig, parang naiinis siya kapag nagpapa-cute sa kanya si Sig."
Dahil maaksyon ang mga eksena sa Mga Batang Riles, handa kaya si Jillian na makipagsabayan sa bida nito?
"Gusto ko talaga ma-try mag-action. Actually nung nagpapahinga po ako nung hindi ako nagte-taping, talagang tumatakbo ako, nagwo-workout talaga ako para ma-feel ko na parang, 'Ay, medyo action star ako,'" kuwento ni Jillian.
"Magpapaturo ako sa Mga Batang Riles kasi sila naman ang pro sa ganyan."
Pagtatapos ni Miguel, hindi nila palalampasin ang pagkakataon na makita si Jillian na gumawa ng mga maaksyong eksena.
Pagtatapos niya, "Lahat ng tatapak dito kailangan ma-experience at ma-enjoy nila 'yung action."
Panoorin ang buong report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras DITO:
Panoorin si Jillian bilang si Lady sa Mga Batang Riles, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime at Kapuso Stream.