
Natapos na kamakailan ang taping ng upcoming Cinemalaya entry na Child No. 82 na pagbibidahan nina PBB alum JM Ibarra at actor-comedian Vhong Navarro.
Bahagi rin ng cast si Kapuso actress Rochelle Pangilinan na nagdala ng lechon sa huling araw ng taping ng pelikula.
Ito ang paraan niya para pasalamatan ang lahat ng nakatrabaho at para rin ipagdiwang ang effort na ibinigay ng lahat para sa pelikula.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ri Rochelle ng candid moments ng kanilang munting salo-salo.
Makikita dito ang pag-chop ng lechon para ipamahagi. Matapos nito, tila tumaas ang presyon ng ilang miyembro ng production, kabilang na ang direktor ng pelikula na si Tim Rone Villanueva.
"Salamat po sa pa-lechon ni Ms. Rochelle. Maraming maraming salamat po," lahad ni direk Tim habang sinusukat ng medic sa set ang kanyang blood pressure.
"It's a wrap! #Childno82," simpleng caption naman ni Rochelle sa Instagram.
Ang Child No. 82 ay kuwento ng binatilyong si Max (JM Ibarra) na kailangang patunyan na anak siya ng yumaong sikat na action-fantasy movie star na si Maximo "Boy Kana" Maniego Jr. (Vhong Navarro) para makatanggap ng porsiyento ng pamanang iniwan nito para sa mahigit 80 niyang mga anak.
Samantala, bahagi si Rochelle ng action drama series na Lolong: Pangil ng Maynila na pinagbibidahan ni primetime action hero Ruru Madrid.
Gumaganap siya dito Karina, isang mananahi na naging assassin.
Abangan si Rochelle Pangilinan sa Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.