
Isa na namang malaking milestone ang naabot ng League of Filipino Actors, o mas kilala bilang Aktor PH.
Sa ginanap na general assembly nitong weekend, masayang inanunsyo ng organisasyon ang paglulunsad ng kanilang opisyal na website. Ito ay magsisilbing online calling card at database ng grupo at ng mga miyembro nitong Filipino artists.
Pinangunahan ang pagtitipon ng Kapuso Primetime King at Chairman ng Aktor PH na si Dingdong Dantes.
"Ito yung parang representation natin hindi lang dito sa Pilipinas, kundi pati in future purposes [at] sa ibang bansa 'pag may casting para sa mga artista," ani Dingdong sa ulat ni Aubrey Carampel. "Ang goal namin ito'y maging top of mind website na puntahan nila to search for all the actors in the Philippines."
Ang website ay bahagi ng mas malawak na mga proyekto ng Aktor PH. Ilan pa sa mga ito ang pagbuo ng podcast series, pati na rin mga programang pang-benepisyo, lalo na para sa senior citizen artists.
"'Yung health insurance, isa sa pinaka gap sa atin sa workers in the industry. If you become a member, you're entitled to a certain benefit," dagdag ni Dingdong.
Dumalo rin sa event ang kanyang asawa at Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Present din ang mga artista mula sa iba't ibang network, teatro, at pelikulang Pilipino.
Ang Aktor PH ay isang organisasyon na binuo ng mga Pilipinong artista na may layuning suportahan ang bawat miyembro sa aspeto ng kanilang karera, pangarap, at kapakanan sa loob ng industriya ng showbiz at sining.
Kasama ni Dingdong sa adbokasiyang ito sina Agot Isidro, Iza Calzado, Piolo Pascual, Mylene Dizon, Jasmine Curtis-Smith, at marami pang iba.
Samantala, patuloy mapapanood si Dingdong sa game show na Family Feud at wildlife adventure program na Amazing Earth.
Tingnan ang stellar career ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa gallery na ito: