
Hinangaan ng mga manonood si Martin del Rosario, kasama ang kanyang co-stars, sa pelikulang 'Beyond the Call of Duty,' na nagkaroon ng premiere night noong Martes, June 3.
Para kay Martin, magandang break sa mga ginampanan niyang kontrabida role ang pagganap niya bilang si Lieutenant Mapa sa naturang pelikula.
"Siguro ako, sa career ko kasi madalas mga edgy roles ang nakukuha ko, mga kontrabida roles. Siguro sa past four projects ko, lagi akong naghahasik ng lagim, sa TV man o sa movie.
"Dito naman, espesyal ito sa akin kasi dito naman ay tagapangalaga ako ng kaligtasan. So, yung karakter ko rito bilang Lt. Mapa ay tatangkilikin ng mga tao, someone na ilo-look up ng mga tao. Hindi katulad ng mga previous roles na ginagawa ko."
Dahil din daw sa role niya na ito, mas tumaas pa ang respeto niya sa mga pulis.
"Sa mga kapulisan, ever since naman, mataas ang respeto ko sa mga pulis. Pero matapos ang movie na 'to, mas lalo pa kasi tulad ng mga sakripisyo na ibinigay nila," ani Martin.
Sa pelikulang ito, first time din niyang makakatrabaho ang iba pang bida na sina Maxine Trinidad, Marco Gumabao, at Devon Seron.
Sa kabila nito, naging maayos naman daw ang kanilang pagsasama sa set.
Paglalarawan ni Martin, "Masaya naman kami sa set. Very professional and napakahusay nila. Lahat naman kami dito nagtutulungan para pagandahin ang mga eksena. Minsan may challenges sa set pero we see to it na gawing authentic yung pagganap roles namin."
Panoorin ang trailer ng pelikula rito:
Bukod sa pelikulang ito, kasalukuyang napapanood si Martin bilang kontrabida sa GMA Prime series na Lolong: Pangil ng Maynila.
Tingnan dito ang ilang paghahandang ginawa ni Martin kasama ang kanyang co-stars sa Lolong: