
Bumuhos ang luha sa loob ng Bahay ni Kuya matapos ianunsyo ang eviction nina Shuvee Etrata at Klarisse de Guzman, o mas kilala bilang duo na ShuKla, sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Sa June 14 episode ng reality show, napanood ang labis na hagulgol nina Esnyr at Will Ashley, na naging malapit kina Shuvee at Klarrise.
Sa kabilang banda, habang isa-isang niyayakap at nagpapaalam sa kapwa housemates, maririnig mula kay Klarrisse ang ilang paalala sa mga naiwang kasamahan sa Bahay ni Kuya.
Habang kayakap sina Bianca de Vera at Mika Salamanca, sinabi ni Klarisse, "Huwag kayong mag-aaway."
Nakangiti pa niyang sinabi, "Mika, kitchen," sabi niya sabay turo kay Mika tila ipinagbibilin sa kanya ang pagluluto sa bahay. Simula kasi nang mag-umpisa ang PBB, si Klarisse ang punong-abala sa pagluluto ng mga kakainin nila.
Pagkatapos nito, para patahanin ang housemates, sabi ni Klarisse, "Malapit na ang Big Night. Love you all. Galingan n'yo ha! Huwag kayong mag-aaway."
Samantala, paglabas sa bahay, masayang sinalubong ng PBB hosts na sina Bianca Gonzalez, Kim Chiu, at Gabbi Garcia sina Shuvee at Klarisse, na nagsimula nang mamugto ang mga mata dahil sa pag-iyak.
Gayunman, nakuha pa ring magbiro ng Kuwelang Soul Diva ng Antipolo na si Klarisse at sinigaw, "Wala silang ulam sa loob!"
Sa isa namang short clip, mapapanood si Shuvee na maluha-luhang na sinabing, "Gusto ko lang mag-sorry kay Ate Klang. I just feel so bad that I was the reason we were nominated. But thank you for the love and support everybody!"
Sa ngayon ay limang duo na lamang ang natitira sa loob ng Bahay ni Kuya. Ito ay sina Ralph de Leon at Will Ashley; Mika Salamanca at Brent Manalo; Charlie Flemming at Esnyr; Dustin Yu at Bianca de Vera; at AZ Martinez at River Joseph.
Related gallery: Meet the Kapuso, Kapamilya housemates of Pinoy Big Brother Celebrity
Collab Edition
Patuloy na subaybayan ang inyong paboritong housemates.
Samantala, mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, mula Lunes hanggang Biyernes, 9:35 p.m. at Sabado, 6:15 p.m., sa GMA, Kapuso Stream, GMANetwork.com, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, iWanTFC, at TFC.
Maaari ring silipin ang mga kaganapan sa loob ng Big Brother house araw-araw sa All-Access Livestream ng programa.
Abangan ang iba pang detalye tungkol dito sa GMANetwork.com at iba pang social media platforms ng GMA at ABS-CBN.