Article Inside Page
Showbiz News
Hindi ininda ang init at ang lumaong pagbabanta ng pag-ulan ng mga artista at fans na dumalo sa taunang parada ng Metro Manila Film Festival.
By CHERRY SUN
Ayon sa
24 Oras, ala-una pa lang ng hapon ay sinara na ang South-bound lane ng Roxas Boulevard para sa Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival na ginanap ngayong hapon.
Hindi iniinda ang init at ang lumaong pagbabanta ng pag-ulan ng mga artista at fans na dumalo sa parada . Nakisaya ang ilang mga Kapuso celebrities at ibang mga artista habang lulan ng walong floats na nagpasiklab sa nasabing parada.
Ang float ng
My Big Bossing ay may disenyong buntot ng sirena. Sakay nito sina Vic Sotto, Pauleen Luna, Ryzza Mae Dizon, Alonzo at Nino Muhlach, Ruby Rodriguez, Jose Manalo at Wally Bayola.
Ani Bossing, “Pagka nakikita mo ‘yung mga Dabarkads na nadyan at sumusuporta sa festival, balewala ang init.”
Tila isang jeep na byaheng langit naman ang itsura ng float ng
Kubot: The Aswang Chronicles 2.
Maliban sa pagdalo sa Parade of Stars ay galak na galak din ang mga bida ng nasabing pelikula dahil natanggap nila ngayong araw ang A rating mula sa Cinema Evaluation Board.
“Ibig po talaga sabihin talagang na-appreciate po ng mga judges ‘yung aming likha,” natutuwang pahayag ni Dingdong Dantes.
Si Jennylyn Mercado naman ang bumida sa isang dilaw na float para sa kanyang MMFF entry na
English Only Please.
Kwento ng aktres, “Kasama sa mga holidays natin ‘yan, aminin natin.”
May pa-anyaya rin ang bida para sa pelikulang
Bonifacio: Ang Unang Pangulo.
Saad ng action star na si Robin Padilla, “Pasko po ngayon. Dapat ang lahat ng mga pelikula po ay tangkilikin po natin."