
Ibinahagi ng actor at host na si Vice Ganda kung ano ang susi sa pag-viral ng kanyang mga ipino-post sa social media.
Kamakailan ay nakasama ng Unkabogable Star ang OPM icon na si Jose Mari Chan at actress-host na si Kim Chiu para sa holiday campaign ng isang e-commerce platform at nagkaroon ang select press ng pagkakataon na makapanayam ang tatlong ambassadors.
Isa sa mga itinanong sa It's Showtime mainstay ay kung mayroon ba siyang sikreto sa paggawa ng content na isini-share din ng mga tao.
“I think it's not a secret. For me, the key is authenticity. I think that's the major element. For a comment, a tweet, or a post to be relatable to people, I think it's authenticity. Kasi your tweet, if it's authentic, it does not just represent you, it represents other people. It doesn't just represent your voice, it represents other people's voices as well,” pagbabahagi niya.
Ayon pa sa komedyante, sa tingin niya kaya nagva-viral ang kanyang mga pino-post online ay marahil iyon din ang nais sabihin ng iba ngunit hindi nila nagagamit ang kanilang mga boses.
Dagdag pa niya, “Kaya siguro isine-celebrate nila 'yung moment na naipost ko 'yun kasi nabibigyan ko ng boses 'yung kanilang mga tinig na hindi nila masyadong nagagamit.”
Samantala, mapapanood si Vice Ganda sa noontime variety show na It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.