
Sa isang panayam sa programang Cayetano in Action with Boy Abunda, emosyonal na ibinahagi ni Rocco Nacino kay Tito Boy ang mga hirap niya bilang aktor na matagal na sa industriya at ang mga natutuhan niya mula sa mga karanasang ito.
Ayon kay Rocco, taliwas sa iniisip ng marami, ang buhay ng isang artista ay puno ng challenges at sakripisyo.
Dagdag pa rito, ibinahagi niya na madalas pa rin daw siyang kabahan sa tuwing sasalang ng live.
“People will see me jumping sa likod para lang matanggal ang jitters,” sabi ni Rocco. “Actually, I welcome it, I welcome 'yung kaba kasi it pushes to 'C'mon, you can do this',” dagdag pa niya.
Ibinahagi niya rin ang mga panahong pakiramdam niya ay hindi siya sapat, at kung paano niya hinarap ang pagod, kaba, at pressure ng trabaho.
“'Yun yung mga nararamdaman kong struggles recently. With kaba, doing better. Am I enough? Magtatagal ba ako dito? May mga ganon,” kuwento ni Rocco.
Isa pa sa kanyang mga kuwento ay ang nabuong usapan ng kanyang kapwa stars sa kanyang pelikulang, Bar Boys: After School. Sa content shoot ng pelikula, kasama niya ang mga cast sa unang pelikula at maging ang mga bida sa musical adaptation nito.
Ayon kay Rocco, napag-usapan nila ang tungkol sa buhay artista ng bawat isa. Itinanong daw nila kay Kapuso young actor, Will Ashley kung ano ang pakiramdam nang umaangat ang showbiz career.
“Kami ilang taon na kami; minsan may takot kami,” ibinahagi naman ni Rocco.
Ibinahagi rin ni Rocco sa kanyang panayam ang kahalagahan ng pag-uusap at pagbabahagi ng nararamdaman.
“Doon ko po na-realize how helpful it is to actually speak up and open up,” sabi niya. “Parang may kakaibang healing. Noong may yumakap sa akin at nagsabing 'Hindi ka nag-iisa', sabi ko; 'Okay, now I know what to do',” dagdag ni Rocco.
Nagpapasalamat si Rocco sa karanasang iyon na naibahagi niya ang kanyang mga saloobin at nararamdaman at nagpapasalamat din siya na nalampasan niya ang anxiety at takot niya sa mga gano'ng bagay na hinaharap bilang isang aktor.
Nagkuwento rin siya tungkol sa nalalapit na sequel ng pelikulang Bar Boys. Hindi raw makapaniwala si Rocco na maghi-hit ito at magkakaroon pa ng sequel.
Isa ring karanasan ang ibinahagi niya kung saan habang siya raw ay nasa airport, may isang nakakilala sa kanya bilang si Torran at ibinahagi nito na nagsilbing inspirasyon ang karakter ni Rocco upang makapagtapos siya at maging isang abogado.
“Napayakap siya sa akin, so yumakap din ako. Ganito pala ang impact ng film. People see the fantasy of an actor at naniniwala sila. Naging happy ako for a moment; masaya ako sa trabaho ko bilang artista. Hindi lang siya 'yung pera, 'yung trabaho; pero 'yung saya na naibibigay mo,” sabi ni Rocco.
Ang mga realizations na ito ang nagpatibay sa kanya bilang aktor at ang mga taong nai-inspire niya ang masasabi raw niyang maiiwang 'legacy' niya bilang isang personalidad.
Mapapanood si Rocco Nacino sa sequel na Bar Boys: After School sa darating na 51st Metro Manila Film Festival ngayong Pasko.
Kasama niya sina Carlo Aquino, Enzo Pineda, Kean Cipriano, Odette Khan, Will Ashley, Glaiza de Castro, Klarisse de Guzman, Sassa Gurl, Therese Malvar, Emilio Daez, at marami pang iba. Ito ay mula sa direksyon ni Kip Oebanda.