
Nitong Lunes, sa isang social media post, inilabas ng Sparkle GMA Artist Center ang poster ng bagong vertical drama na pinamagatang, Toyang To Forget!
Matapos ang A Masked Billionaire Stole My Heart nina Michael Sager at Ysabel Ortega; at ang Babae Sa Bintana nina Will Ashley at Andrea Torres, humanda na ang mga viewers sa isang kakaibang rom-com experience dahil malapit nang umarangkada ang vertical drama series na ito na pinagbibidahan nina Herlene Budol at Empoy Marquez.
Ang serye ay inaasahang maghahatid ng 'kilig-overload' at katatawanan, lalo na't kilala ang tambalan nina Empoy at Herlene sa pagiging sikat sa larangan ng comedy.
Ang kuwento nito ay iikot sa karakter ni Herlene na nawalan ng kanyang mga alaala at magpapakilala naman ang karakter ni Empoy bilang asawa nito.
“She lost her memory. He claims he's her husband. But is he her happily ever after or her biggest mistake?” nakasulat sa caption ng post mula sa Sparkle.
Makakasama rin nila ang Kapuso actress na si Arra San Agustin, na posibleng magdala ng drama at tensyon sa kuwento, na nagpapahiwatig ng isang nakaka-intriga at nakakatawang love triangle.
Kabilang din sa vertical drama na ito ang Kapuso actor na si Martin del Rosario. Mapapanood ang vertical drama series na ito sa Bingo Plus app.
Matatandaang bumida si Herlene Budol sa dalawa sa GMA Afternoon Prime series na Magandang Dilag kasama sina Benjamin Alves, Rob Gomez, at Maxine Medina; at sa Binibining Marikit kasama naman sina Pokwang, Tony Labrusca, at Kevin Dasom.