
Kamakailan lamang, personal na nakaharap muli ni Sparkle Star Sandro Muhlach ang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Dumalo ang dalawang panig sa Department of Justice para sa isinampang reklamo ni Sandro na nag-aakusa ng rape through sexual assault at acts of lasciviousness laban sa dalawa. Makikita ang aktor na napatayo at tila kinausap agad siya ng kaniyang mga abogado nang makita niya sina Jojo at Richard. Kasama rin ni Sandro ang kaniyang ama na si Niño Muhlach, na ayon dito ay labis na traumatized pa rin ang anak na aktor.
"Galit syempre. Umiyak siya sa loob. Iyon, so pinalabas muli 'yung kabila. We just hope for the best dito sa mga darating na araw, pagka umandar na ang kaso," pahayag ni Niño.
Upang maiwasan ang tensyon, inilipat ang panig ng dalawang individual contractors sa ibang kuwarto kung saan ibinahagi nila ang kanilang salaysay para sa kanilang inihaing counter affidavit.
Itinatanggi pa rin nina Jojo at Richard ang reklamo ng Sparkle star. Ayon sa abogado ng mga individual contractors na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, "Pinapabuluhanan po namin 'yung alegasyon ng rape through sexual assault na ibinibintang sa kliyente po namin kay Richard Cruz at saka kay Jojo Nones."
Submitted for resolution na ang reklamo.
RELATED CONTENT: Meet Sandro Muhlach, Nino Muhlach's eldest son

















