Arthur Nery, sinubukang maging bahagi ng P-pop group

Bahagyang natawa ang singer-songwriter na si Arthur Nery nang tanungin kung sinubukan din niyang maging bahagi ng isang boy group na patok ngayon sa music industry.
“We tried before ng mga friends ko dati,” pag-amin ng 27-year-old singer-songwriter sa isang press conference kamakailan para sa kanyang bagong album, ang II: The second, at concert sa October 25.
Hindi na raw niya ito itinuloy dahil, aniya, “Wala po talaga akong confidence, e. Alam ko po sa sarili ko na hindi po ako pogi. Tinanggap ko na po siya nang maaga. Parang iniisip ko na lang, ako na lang, music ko 'to, bahala na.”
Dahil sa kanyang sinabi, nabanggit ng nagtanong na hindi naman lahat ng miyembro ng boy group ay mga pogi.
Sagot naman ni Arthur, “I think, yung pagiging boyband hindi lang siya about physical appearance. I mean, part na 'yan, of course. Hindi ka naman siguro papasok kung wala kang appeal. Hindi ka naman papasok sa isang boy group kung wala kang ibubuga. I think, it's more of like a personality thing. You need to blend in together to look good as a team.”
At tulad ng kanyang unang sinabi, sadyang mahiyain daw si Arthur kaya mas minabuti na lamang niyang mag-focus sa pagsusulat ng sariling kanta.
Gayunman, sinabi ng “Pagsamo” singer na kumpara sa unang pasok niya sa music industry “may kaunting boost of confidence” na siya.
“Nagkaka-gain po ako nang kaunting confidence,” sabi ni Arthur. Sabay sabi na, “Yung fans po talaga yung nagbo-boost sa akin.”
Dagdag pa niya, “Before ako mag-perform, nagme-message sila sa akin kung okay ba ako mentally and physically, kung prepared ba ako to perform. After, kinukumusta ako ng fans kung nag-enjoy ba ako. It's really the fans who constantly check sa akin.”
Kaugnay nito, tinanong ng GMANetwork.com kung nararamdaman na niya ang kanyang kasiktan.
Nahihiyang sagot ni Arthur, “Siguro po, yung popularity, napi-feel ko naman po siya pero hindi ko naman talaga siya pinapasok sa sarili ko na parang I'm this and that.
“Hindi rin naman talaga ako lumalabas, mailap talaga ako. More on music lang talaga ako. Paggising ko, gagawa ako ng music, kain, DOTA, 'tapos gawa ulit ng kanta. Yun po ang lifestyle ko.
“Kumbaga, outside of that… Well, importante yung outside ng music, pero hindi po yun ang focus ko, more on internal lang po ang focus ko.”
Nabanggit din niya, “I'm just Arthur to be honest. I'm just human. Parang as much as I want to embody the star figure or whatever, I'm just a kid who's always dreaming to be a good performer.
“So, yung pressure and responsibility siguro that comes with the artistry, doon po ako nagwo-worry. Pero as a person, I just wanna be Arthur.”
Isa si Arthur sa mga baguhang singer-songwriter na may mga kantang nagiging viral sa social media.
Ang mga kanta niya tulad ng “Take All the Love,” “Isa Lang,” “Higa,” at “Binhi” ay ilan sa mga kantang umani ng daang milyong stream record sa Spotify. Naging viral din ang mga ito dahil ginagamit bilang background music sa iba't ibang social media platforms.
Ayon kay Arthur, “Kapag nagiging hit ang kanyang mga kanta, Kinikilig po talaga ako, promise to God. Kinikilig po talaga ako kapag nag-viral.
“Pero gaya nga po ng sinasabi ng ibang artists, once na na-release mo na yung kanta mo, hindi mo na 'yon sa 'yo. Kumbaga, it's for the people. Yun po siya sa akin. Yes, natutuwa po ako, pero more of about them na, if they relate to it or not. Masaya po ako na maraming nakaka-relate.”
Ang pahayag na ito ng singer ay patunay na naabot na niya ang kanyang goal bilang isang music artist.
“Ang goal ko lang po talaga is to connect to people, soul to soul, emotion to emotion. I think yun lang po, to find comfort in music. Yun lang naman talaga ang goal nating lahat, just looking for the most comfortable space for people.”
Samantala, nitong weekend ay ini-release ni Arthur ang kanyang ikalawang album. ang II: The second. Ayon sa kanya, ang mga kanta sa 10-track album na ito ay mabusising pinili mula sa mga isinulat niya.
Kakaiba rin ito dahil, paglalarawa niya, “Connected po siya, tig-dadalawang songs like, part one, part two. 'Tapos, ang ginawa ko po, yung first and last song, yun yung part one and part two. Para kapag pinakinggan po siya, maiisip ng listeners na 'Babalik na naman ako sa una.' Parang ganun siya, cycle of emotions lang.”
Ilan sa mga kanta mula sa album na ito ay ipe-perform ni Arthur sa kanyang solo concert sa Arante Coliseum sa October 25.