Sa ikalawang pagkakataon ay bigo ang mga awtoridad sa paghahain ng warrant of arrest para sa aktor na si Ken Chan. Ito ay kaugnay ng kasong sydicated estafa na isinampa laban sa kanya ng dating co-investor.
Ang ikalawang paghahain ng warrant of arrest ay naganap ngayong umaga, November 8 sa isang village sa Quezon City. Una itong inihain noong September 24. Sa parehong pagkakataon ay hindi nakita ang aktor,
“Hindi nai-serve ang warrant na yun at patuloy na hahanapin siya,” pahayag ni Atty. Joel Noel Estrada, legal counsel ng complainant.Bukod kay Ken, may pitong iba pa na kasama sa mga kinasuhan ng isang private businessman na nasa edad na 40 hanggang 50.
“Sila po ay kakasuhan ng syndicated estafa under Article 315 of the Revised Penal Code. So, meron po silang pending na kaso at ito po ay nasa husgado na, at meron silang pending warrant of arrest,” ani Atty. Estrada.
“According to the complaint, hiningan [siya] ni Ken Chan ng investment. Hindi naman sila authorized to solicit investment from the public. Using misrepresentation and fraudulent escapes, nakakuha sila ng pera against dito sa complainant.
“Dito po sa kaso na ating hinahawakan, isa lang po ang complainant. Hindi ko lang po alam kung may iba pang complainants against them. Isa lang po ang nire-represent namin na complainant at more or less ang involved na pera ay PhP14 million. I think, base doon sa complaint, mga dalawang bigayan in less than a year. Ito hong kaso ay non-bailable,” dagdag na pahayag ni Atty. Estrada.
Sa ngayon, humiling ang kampo ng complainant sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila ang anumang impormasyon tungkol kay Ken.
Ayon sa mga naunang ulat, nasa ibang bansa si Ken kasama ang kanyang pamilya. Sa ulat ni Gorgy Rula para sa Pilipino Star Ngayon, nabanggit na bago ma-issue ang warrant of arrest, nag-file ang kampo ni Ken ng petition to review sa Department of Justice para ma-reverse ang desisyon ng Office of the City Prosecutors ng Quezon City.
Simula nitong Hunyo, nagpahinga muna si Ken sa kanyang showbiz commitments due to health reasons. Huli syang napanood sa 'Abot-Kamay na Pangarap' bilang si Doc. Lyndon.
IN PHOTOS: Former child stars who've had run-ins with the law
Naging laman ng balita noong nakaraang linggo ang dating child star at teen star na si John Wayne Sace matapos siyang arestuhin dahil sa diumano'y
pagpatay niya sa isang kaibigan.
Noong 2016, nabaril si John Wayne nang hindi nakikilalang saralin. Ayon sa PNP, kabilang siya sa drug watch list kasama ang kanyang kaibigang napatay sa pamamaril.
Unang napanood si John Wayne sa 'Tabing Ilong' kung saan gumanap siya bilang batang James, ang karakter na ginampanan ni Patrick Garcia. Napanood rin siya sa pelikulang 'Dekada '70' at 'Home Along Da Riles.'
Sa edad na 12, gumawa ng kasaysayan si Jiro Manio bilang pinakabatang artista na nanalo ng Best Actor sa prestiyosong Gawad Urian awards para sa pelikulang 'Magnifico.'
Taong 2011, naibalita na pumasok sa isang rehabilitation facility si Jiro para sa drug addiction, at taong 2015 naman pumutok ang balita na pagalagala sa Ninoy Aquino Termina 3 si Jiro matapos nitong maglayas sa bahay nila sa Rizal.
Noong 2020, inaresto si Jiro matapos niya diumanong saksakin ang isang lalaki sa Marikina City.
Nakilala ang pangalang CJ Ramos noong 1990s matapos niyang maging bahagi sa iba't ibang palabas sa telebisyon at pelikula katulad ng 'Tanging Yaman,' 'Okay Ka, Fairy Ko!' at 'Biyudo Si Daddy, Biyuda Si Mommy.'
Taong 2018 nang mahuli si CJ sa isang drug buy-bust operation sa Quezon City. Kinalaunan ay nakalaya rin siya at bumalik sa pag-arte sa 'Ang Probinsyano.'
Taong 1994 nang unang mapanood sa telebisyon ang aktor na si Baron Geisler nang mapabilang siya sa teen gag show na 'Ang TV.' Kasunod nito ay nagbukas ang maraming pinto sa kanya sa larangan ng pag-arte.
Noong 2008, kinasuhan ni Patrizha Martinez, anak nina Yayo Aguila at William Martinez, si Baron ng acts of lasciviousness. Nagsampa rin ng kaso sa kanya ang aktres na si Yasmien Kurdi noong 2009 bago niya ito iniurong taong 2011.
Inaresto si Baron noong October 16, 2017 ng Quezon City police matapos diumanong hamunin ng suntukan ang isang security guard sa isang restaurant sa Tomas Morato. Matapos nito ay sinampahan siya ng kasong unjust vexation at alarm and scandal.
Noong 2018, sinampahan ng kasong grave threat, alarm and scandal, at illegal possesion of a deadly weapon si Baron matapos niya diumanong pagbantaang patayin ang kanyang brother-in-law. Kinalaunan ay iniurong din ang kaso matapos pumayag si Baron na sumailalim sa intensive rehab.