Carlo Aquino, nagbago na ba matapos ikasal kay Charlie Dizon?

“Mas lighter na ako, mas approachable, mas sociable.”
Ganito inilarawan ni Carlo Aquino ang sarili nang tanungin kung anong pagbabago sa kanya matapos ikasal sa aktres na si Charlie Dizon.
Dagdag pa niya, “Noong Third World Romance, iba na yung warmth. Siguro it comes with age din. Iba na rin kung paano ako mag-handle ng mga bagay-bagay.”
Ang Third World Romance ay pelikulang pinagsamahan nina Carlo at Charlie noong 2023.
Nakausap ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media ang aktor sa press conference ng pelikulang Hold Me Close kamakailan. Isa ito sa official entries sa 2024 Metro Manila Film Festival.
Sa palagay ni Carlo, wala namang malaking pagbabago sa kanya ng pasukin niya ang buhay may asawa.
Kuwento niya, “Hindi rin naman siya masyadong iba sa noong hindi pa kami kasal. Ano lang talaga, dapat conscious ka lang sa kung anong nararamdaman ng partner mo.
“Ganun din naman kapag hindi kayo mag-asawa. Iba lang ang ano ko ngayon siguro, yung attention to details. Basta mas binibigyan ko na ng importansya yung mga ginagawa ko for her.
“Siguro yung ano, yung partner mo na yung palaging iniisip mo. Minsan kapag pagod na pagod ako sa taping, siya lang talaga… Tatawag ako, 'Love, pagod na pagod na ako.' [Sasabihin niya], 'Okay lang 'yan, ano ka ba, ang tagal mo nang ginagawa 'yan.' Totoo naman. 'Tapos, pinapatawa niya ako. Masaya na ako kapag narinig ko na yung tawa niya.”
Isang reporter ang nagtanong kay Carlo kung ibig sabihin nito ay hindi na siya magiging malapit sa ibang mga babae.
Pangiting sagot ng aktor, “Malapit ako sa mga tao, lalo na ngayon. Pero iba na yung pagiging sobrang kumportable, di ba, kasi may asawa na ako. May boundaries na.”
Ikinasal sina Carlo at Charlie noong June 9, 2004. Bago ito, nagkaroon ng anak si Carlo, si Mithi, sa dating partner na si Trina Candaza.
Samantala, balikan ang wedding photos nina Carlo at Charlie sa gallery na ito:






