
Sinagot na ni Kapuso singer at actress Rita Daniela sa isang anim na pahinang reply affidavit ang isinumiteng counter-affidavit ng actor at komedyanteng si Archie Alemania.
Matatandaang nagsumite si Archie ng counter-affidavit nitong December laban sa reklamong acts of lasciviousness sa kaniya ni Rita. Sa naturang dokumento ay itinanggi ng aktor ang mga akusasyon ng aktres laban sa kaniya.
Nagpunta sa Bacoor Hall of Justice si Rita at kaniyang kampo ngayong Martes, December 17, para isumite ang naturang reply affidavit na pinanumpaan rin niya.
Paniniwala umano ng kampo ng aktres na imbis na pagtanggi ay tila pag-amin pa ang ginawa ni Archie sa isinumite niyang counter-affidavit.
Sa report ni Oscar Oida, sinabi niyang hindi dumalo ang aktor o ang kaniyang abugado at sa halip, isang representative lang ang nagpunta para kumuha ng kopya ng naturang affidavit ni Rita.
Sa January 7 naman magpapatuloy ang preliminary investigation sa isinampang kaso sa aktor at inaasahan na si Archie naman ang dadalo sa Bacoor Hall of Justice.
Unang nagsampa si Rita ng kasong acts of lasciviousness laban kay Archie noong October 30 sa Office of the City Prosecutor sa Bacoor City kung saan nakasaad na umano'y hinalikan at hinawakan siya sa maseselang bahagi ng aktor.
Sa report ng 24 Oras, nangyari umano ng insidente matapos ang thanksgiving party ng kanilang show noong September kung saan sa party pa lang ay nagbitaw na umano si Archie ng malalaswang salita sa kaniya.
Panoorin ang buong report dito:
SAMANTALA, KILALANIN ANG MGA ARTISTANG NAGING BIKTIMA NG SEXUAL HARRASSMENT














