Ano ang kaya mong isakripisyo para sa taong mahal mo? Para kay Kristina (Jackie Rice), handa siyang itaya ang kanyang dangal maitaguyod lang ang pangangailangan ng inang may malubhang sakit.
Namasukan si Kristina sa isang massage parlor kung saan hindi lang masahe ang serbisyong maari makuha ng mga parokyanong naghahanap ng panandaliang aliw. Kaya naman itinago ni Kristina ang trabaho niyang ito mula sa kanyang nanay (Maria Isabel Lopez) at boyfriend na si Anton (Joross Gamboa). Kalaunan, natuklasan ni Anton ang maruming raket ni Kristina. Ngunit imbes na hiwalayan, ay pinuwersa na lamang niya ang girlfriend na maghanap ng ibang trabaho. Ang hindi inakala ni Anton, mas malala pa pala ang magiging kapalit na hanapbuhay ni Kristina. Papasukin ng minamahal na kasintahan ang mundo ng pag-e-escort. At dito na nga magsisimula ang peligro sa kanilang buhay at matinding pagsubok sa kanilang pagmamahalan.

Ito ang kuwentong sunod na tampok sa Karelasyon, Pagbibidahan nina Jackie Rice, Maria Isabel Lopez at Joross Gamboa, kasama sina Mon Confiado at Leandro Baldemor. Mula sa panulat ni Jerome Zamora at direksyon ni Zig Dulay. Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga.