Showbiz News

WATCH: Mark Anthony Fernandez, nakakulong matapos mahulihan ng isang kilo ng marijuana

By CHERRY SUN

Nakakulong ngayon sa Station 6 Angeles, Pampanga si Mark Anthony Fernandez matapos mahuli ng mga pulis sa isang checkpoint kagabi, Oktubre 3. Nasa pagmamay-ari kasi ng aktor ang isang kilo ng marijuana.
 
Pinahinto raw ng mga pulis si Mark Anthony nang dumaan ito sa check point sa Barangay Virgen delos Remedios, Angeles, Pampanga bandang 9:30 P.M. dahil walang plaka ang kanyang minamanehong sasakyan. Ngunit, sinubukan daw tumakas ng aktor at kinailangan ng mga pulis na barilin ang mga gulong ng kanyang kotse para mapahinto ito.
 
Mas malaki pala ang paglabag ni Mark Anthony nang madiskubre ang isang kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng Php 15,000.00.
 
“’Yung isang tauhan natin, visual ano lang, visual check. So nakita niya mismo ‘yung marijuana ma’am kasi malaki eh 'tsaka ‘yung maliliit ‘di ba,” pahayag ni C/Insp. Francisco Guevarra, Jr. sa panayam ng Unang Balita.
 
Depensa ni Mark Anthony na sinimulan niyang gumamit ng marijuana nang mamatay ang kanyang amang si Rudy Fernandez dahil sa sakit na cancer noong 2008.
 
Paliwanag niya, “Alam ko po na-legalize na siya sa halos buong mundo na ata tapos medical purposes siya so ako po, lalo na po nung lumabas ‘yung sa mga sigarilyo, may picture, kinakabahan po ako magka-cancer dahil nagka-cancer po ang tatay ko. Ginagamit ko po ito para pangontra cancer.”
 
“Meron po akong rayuma bata pa lang po ako tapos nagyoyosi din po ako dati so binabawasan ko po ‘yung sigarilyo. ‘Yun po ‘yung ginagawa kong pamalit,” patuloy niya.
 
Ayon din daw kay Mark Anthony, hindi raw siya sa checkpoint nahuli dahil hinihintay lamang niya sa tabi ng kalsada ang kanyang katransaksyon na pinangalanan niyang si Francis.
 
Pahayag ng aktor, “Hindi pa ako nakakabili. Basta may naglagay po sa kotse ko. Hindi ko ho alam [kung sino].”
 
“Umalis na ho ako. Akala ko ho since marijuana lang po ‘yun at hindi naman po ako ‘yung nagbebenta, kumbaga aalis, baka pakawalan ako,” dugtong pa niya.
 
Sasailalim sa drug test at inquest si Mark Anthony. Magiging bahagi rin ng imbestigasyon ng mga pulis ang inspeksyon ng SOCO sa kotse ng aktor dahil may mga marijuana leaves din na naiwan sa kanyang sasakyan. Susuriin din daw ang naiwang gamit ng aktor sa kanyang kotse.  
 
Nahaharap si Mark Anthony sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Hindi bailable ang kanyang kaso, ngunit sakaling makalaya ay mas nanaisin na lamang daw niya tumira sa ibang bansa.
 
Aniya, “Doon na po ako titira, kung saan po siya ligal para hindi po ako makaperwisyo o maka-violate.”
 
Simula kaninang madaling araw, wala pa ibang bumisita kay Mark Anthony maliban sa staff ng kanyang inang si Alma Moreno. Pinayuhan kasi ang aktres na huwag dumalaw sa presinto dahil hina-high blood ito.

 

 



Video courtesy of GMA News

 

MORE ON CELEBRITIES INVOLVED IN DRUGS:
 
READ: Sexy starlet Krista Miller, nahuli sa isang buy-bust operation ng Quezon City Police
 
WATCH: Former sexy star Sabrina M, nakunang gumagamit ng iligal na droga
 
WATCH: Showbiz personalities, uunahin sa Oplan Tokhang ng PNP