
"Nami-miss ko yung puyatan na taping. Nami-miss ko 'yung pag nagkamali ako, nabubulyawan ako. Nami-miss ko 'yun, kaso wala na!" - Whitney Tyson
Isa sa mga kilalang komedyante noong '90s si Whitney Tyson.
Hindi man siya nakakasungkit ng mga lead roles, lagi naman siyang present sa mga supporting roles kasama ang mga premyadong artista tulad ni Edgar Mortiz.
"Noon kasi, mabilis ka lang kumita. Sasabihin kaagad ng manager ko, kaliwaan. After mag-tape, bigay na 'yung budget. Ang pinapalabas kong pera sa isang araw, kung hindi sampung libo walang wala 'yun. Pinakamaliit lang niya ay limang libo o pitong libo," kuwento niya sa programang Front Row.
Pero kung noon ay punung puno ang kanyang schedule sa iba't ibang guestings at appearances sa mga pelikula at telebisyon, ngayon ay matumal na ang mga proyektong nakukuha niya.
"Kasi noong time na 'yun eh, ang nasa isip ko noon lagi naman meron eh. Lagi naman may show eh! Lagi naman may shooting. Lagi naman may guesting, eh di gastos lang ng gastos. Hindi ako nag-isip na biglang mawawala nang ganon," paliwanag niya.
Para matustusan ang pang-araw araw niyang gastusin, madalas rumaket si Whitney sa iba't ibang piyestahan, birthday at maging mga kasal.
"Dahil unti unti, nawawala 'yung mga taping at ang pelikula nawawala dahil pumasok ang pirate-pirate na 'yan. Doon ako natuto na 'pag may kikitain ako i-save ko muna," aniya.
Nami-miss din niya ang showbiz at gusto pa rin niyang mag-balik sa industriya.
"Nami-miss ko yung puyatan na taping. Nami-miss ko 'yung pag nagkamali ako, nabubulyawan ako. Nami-miss ko 'yun, kaso wala na!" naluluhang sambit ni Whitney.
Gayunpaman, nananatili rin siyang positibo tungkol sa kanyang career at buhay.
"Ibang Whitney Tyson na ang makikita nila. Mamahalin ko na ang trabaho at mas mamahalin ko na ang aking sahod," saad niya.
"Oo, masakit kapag sinabi nilang laos na ka na. Parang bang hindi katanggap-tanggap na laos na ka na. Pero artista pa rin ako, wala lang akong kinang!" dagdag pa ni Whitney.
Panoorin ang pagbisita ng Front Row kay Whitney dito:
MORE ON PINOY COMEDIANS:
Sikat man, may simpleng buhay din
Instarazzi #PamilyaNgKomedyante